Sinipag ang amiga kong kapitbahay na mag-general cleaning ng kanilang tahanan. Kung ang aming barangay ay may basurahan para sa ‘nabubulok’ at ‘hindi nabubulok’, ang aking amiga ay may inihandang basurahan para sa ‘itatapon na’ at ‘ido-donate’. Dahil likas naman akong pakialamera, naging interesado ako sa kanyang ‘ido-donate’ at baka may pakinabangan pa ako roon. Pagkatapos ng aming kumustahan, humingi ako sa kanya ng pahintulot na magkalkal sa kanyang basurang ‘ido-donate’. Sa mga kasangkapang naroon sa malaking kahon, nakakita ako ng slide rule. Sa pagkakaalam ko, wala na yatang engineering student na gumagamit ngayon ng slide rule.

Ang slide rule ay ginagamit sa pagko-compute: multiplication at division, at may mga functions tulad ng roots, logarithms at trigonometry, pero hindi ito karaniwang ginagamit sa addition o subtraction. Parang sinauna na itong instrumento ngayon, pero noon kailangan ito para sa lahat ng mahihirap o komplikadong computation – bagay na dapat magkaroon ng instrumentong ito ang sino mang nangangailangan para sa agarang pagso-solve ng mga problema sa mathematics. Itinapon na ng aking amiga ang slide rule na ginamit marahil ng kanyang esposo na isang engineer. Nangangahulugan na hindi na ito kailangan. At marahil hindi na rin kailangan ng mga engineering student ang slide rule sapagkat napalitan na ito ng calculator.

May mga bagay ngayon na itinuturing nating kailangan ay maaaring wala nang halaga sa paghakbang ng panahon. Itinatapon na ang mga iyon at kung madampot man ng iba, hindi na mapakikinabangan. Ngunit may isang bagay na nagmula pa sa sinaunang panahon na laging kailangan magpahanggang ngayon at hindi maluluma. Ito ang Biblia – ang Mabuting Aklat ng mga tinipong Salita ng Diyos.

Gaano man kabilis umabante ang teknolohiya at kaunlaran ng daigdig, ang Mabuting Aklat ay mananatiling tiyak na paraan upang ating makamtan ang mga tumpak na kasagutan sa mga komplikadong tanong sa ating pinagmulan, sa ating layunin sa buhay, sa kung paano tayo kikilos at makikipagsalamuha sa ating kapwa, sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, at sa huli nating hantungan. Magkaroon ka ng Biblia, sapagkat iyon ay laging kailangan.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3