ROSARIO, Cavite – Simula ngayong Sabado ay magpapakalat na ang lokal na pamahalaan ng 20 bading na sinanay bilang traffic enforcer sa Rosario.

Masasampulan na ang trabaho ng naka-uniporme ng berde at umiindak na “traffic squad” sa matataong lugar, partikular malapit sa palengke ng Rosario.

Ang pambihirang “squad” na ito ay una sa Cavite. Binuo ito ni Mayor Jose “Nonong” Ricafrente Jr., ng anak niyang si Vice Mayor Voltaire Ricafrente at iba pang opisyal ng pamahalaang bayan.

BONGGA!

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Masayang-masaya naman ang gay community sa proyekto, sinabing isa itong oportunidad para sa mga tinaguriang “third gender” na ipakita ang kanilang mga kakayahan at talento, partikular sa pagmamando ng trapiko.

“Nakakatuwa para sa aming grupo na pagkatiwalaan sa ganitong maselang trabaho. Maraming salamat sa henyong nakaisip nito at sa pagkakataon na maihanay kami sa pagpapatupad ng batas-trapiko,” sabi ni Alex Samonte, pinuno ng Ikatlong Lahi, isang samahan ng mga bisexual sa Rosario.

ANG SQUAD

Ayon kay Media Affairs Coordinator Sid Luna Samaniego, nagdesisyon ang alkalde na buuin ang traffic squad upang matugunan ang mga ulat ng pag-aaway ng mga lalaking traffic enforcer at ng motorista.

“It (the squad installation) is the command of the mayor. Sa pagsasayaw ng grupo, todo na pagngiti at body language, sino naman ang makikipag-away sa kanila?” ani Samaniego.

Sinabi pa ni Samaniego na bilang pilot test, pansamantalang ililipat ang mga lalaking traffic enforcer sa Pondohan, o ang fish port ng Rosario, at sa iba pang lugar.