Nagsampa ang Office of the Ombudsman (OMB) sa Sandiganbayan ng kasong graft and corruption laban sa limang dating kongresista dahil sa umano’y maanomalyang paggamit ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na nagkakahalaga ng mahigit P339 milyon sa kabuuan.
Kinasuhan sina Congressmen Samuel Dangwa ng Benguet, Rodolfo Plaza ng Agusan del Sur, Constantino Jaraula ng Cagayan de Oro City, Oscar Valez ng APEC Party-list at Rizalina Seachon-Lanete ng Masbate, na ngayon ay gobernador.
Nitong nakaraang buwan ay naghain sila ng magkakahiwalay na mosyon upang maibasura ang reklamo, ngunit tinanggihan ito ni Ombudsman Conchita Caprio Morales, sinabing malakas ang ebidensiya laban sa mga dating mambabatas.
Bukod sa malversation, kinasuhan din sina Lanete at Valdez ng plunder sa umano’y pagtanggap ng mga kickback na umaabot sa higit pa sa P50-milyon batayan sa kasong plunder.
Ang limang kongresista ay kabilang sa unang batch ng mga respondent sa PDAF scam, na kinabibilangan din ng tatlong senador.
Samantala, hiniling din ng OMB sa Sandiganbayan na i-freeze ang mga ari-arian ni Senator Jose “Jinggoy” Estrada, na isa sa tatlong senador na kinasuhan kaugnay ng P10-bilyon pork barrel scam.
Ayon kay Assistant Ombudsman Asryman Rafanan, layunin ng nasabing order “to protect the interests of the state and to prevent the removal and disposition of ill-gotten properties and proceeds of plunder and corruption held by unscrupulous public officers.”