Arestado ang tatlong lalaki na pinaniniwalaang responsible sa pagbebenta ng shabu sa isang squatters’ area sa Quezon City, ang naaresto sa buy-bust operation na ikinasa ng Quezon City Police District (QCPD) kamakalawa.
Ang tatlong naarestong tulak ay sina Albert Cambay, 18, estudyante; Joel Martinez, 22, helper; at Felizardo Puno, 43, residente ng Mapagbigay St., Barangay Pinyahan, Quezon City.
Sinabi ni Chief Insp. Roberto Razon, hepe ng QCPD District Anti-Illegal Drugs Division, naaresto ang tatlo sa squatters’ area na tinaguriang “Boracay” sa Barangay Pinyahan dakong 5:30 noong Huwebes ng gabi.
Target ng DAID operatives sa entrapment ang isang “Marivic” na itinuturing na kilabot na tulak sa lugar. Subalit nakatakas si Marivic nang tumakbo sa mga eskinita sa lugar habang isinambulat ang shabu sa bahay-bahay.
Hindi na nakapalag nang arestuhin sina Cambay, Martinez, at Puno – pinaniniwalaang mga kakutsaba ni Marivic sa kanyang pagtutulak – matapos mabawi sa kanilang pangangalaga ang apat na sachet na naglalaman ng shabu.