Si Pangulong Benigno S. Aquino III ang Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police samantalang si suspended Director General ang puno ng PNP. Ano ang kanilang common denominator? Pareho silang lider na kapwa hindi dumalo sa arrival honors sa Villamor Air Base sa mga labi ng 44 kasapi ng PNP Special Action Force (SAF) na napatay ng MILF-BIFF forces sa Mamasapano, Maguindanao. Si PNoy ay hindi dumalo sa pagdating ng mga bangkay 44 tauhan ng SAF subalit nakarating sa inagurasyon ng isang car plant sa Sta. Rosa, Laguna. Si Purisima naman daw, ayon sa report, ay nagtungo sa Saipan sa halip na sumalubong at makidalamhati sa mga pamilya ng mga namatay na pulis.

Iginiit ni Sen. Grace Poe na kailangang magpaliwanag si Purisima tungkol sa kanyang role sa tinatawag na "Oplan Wolverine" na ang target ay dakpin sa buhay o patay ang Malaysian bomb expert na si Zulkipli bin Hir, alyas Marwan, at ang local terrorist na si Basit Usman. Siya ang itinuturo ni SAF Director Getulio Napenas na nasa likod ng operasyon na naging isang trahedya sa buhay ng 44 kasapi ng PNP-SAF. Nagtataka si Sen. Poe kung bakit nakikialam pa si Purisima sa ganitong operasyon gayong siya ay suspendido ng Office of the Ombudsman dahil sa paratang na corruption. Itanong mo, Senadora, kay PNoy.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Bukod dito, nagtataka rin si Sen. Grace kung bakit hindi man lang nakita ang anino ni Purisima sa Villamor Air Base upang sumalubong sa mga bangkay ng kanyang mga tauhan na ang dapat asahan ay saluduhan niya dahil sa pagbubuwis ng buhay para sa bayan. Dismayado ang mga senador at kongresista sa palpak na operasyon na ikinamatay ng mga kabataang pulis na sana ay marami pang panahon ang ipaglilingkod sa bansa. Maging ang ilang pinuno ng Simbahang Katoliko ay dismayado sa pangyayari.

Sila ay kontra sa posibleng pagkakaloob ng pardon o amnesty sa massacre culprits mula sa MILF na pumatay sa mga miyembro ng SAF. Sinabi ni Lucena Bishop Emilio Marquez na isang kamalian ang pagbibigay ng amnesty sa mga rebeldeng MILF na sangkot sa kalunus-lunos na pagkamatay ng mga pulis. Hindi umano tama na pagkalooban sila ng pardon alang-alang sa kapayapaan na isinusulong ng gobyerno at ng MILF. Kailangang matamo nila ang ganap na hustisya.