Ang away-legal sa Disbursement Acceleration Program (DAP) ng administrasyon ay nagtapos noong Martes nang itinaguyod ng Supreme Court (SC) ang orihinal na ruling nito na nagdedeklara sa DAP bilang unconstitutional, na may isang pagbabago. Sa botong 13-0 tulad ng orihinal na desisyon nito, muli na namang nagpasya ang SC laban sa tatlong mahahalagang probisyon ng DAP:

- Ang pagbawi sa unobligated allotments mula sa implementing agencies at pagdedeklara nito bilang savings bago pa man magtamos ang fiscal year.

- Ang cross-border tranfers ng savings ng executive branch upang pondohan ang mga programa ng non-executive agencies, tulad ng lehislatura, hudikatura, ang Commission on Audit, at ang Commission on Elections.

- Ang paggamit ng unprogrammed funds nang walang sertipikasyon mula sa National Treasurer na ang koleksiyon ng buwis ay lumampas na sa inasintang buwis.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Gayunman, binago ng Hukuman ang mass invalidation nito sa lahat ng proyektong nasa ilalim ng DAP. Pinahintulutan nito ang pagdadagdag ng pondo para sa 116 proyekto ng DAP na mayroon nang nakalaan sa ilalim ng General Approporiations Act (GAA).

Tungkol sa maraming proyektong isinagawa sa nakaraang mga taon ng DAP, itinaguyod ng Hukuman ang Doctrine of Operative Fact. Sa madaling salita, ang P144 bilyong halaga ng proyektong pang-imprastraktura at iba’t ibang social at economic program na pinondohan ng DAP bago ito ipinasyang unconstitutional ay idineklarang balido.

At tungkol naman sa kung sino ang dapat na managot sa unconstitutional na paggamit ng pondo ng bayan, ipinasya ng SC na ang “may-akda” lamang ng DAP, hindi ang “proponents” at “implementors” ang dapat managot. Kung sinasabi nila “in good faith” sila, kailangang patunayan iyon sa isang angkop na hukuman.

Ang mga may-akda ng DAP ay sina Pangulong Aquino at Budget Secretary Florencio Abad. Sapagkat si Pangulong Aquino ay maaaring makasuhan sa impeachment proceedings, si Secretary Abad lamang ang maaaring sampahan ng kaso sa hukuman dahil sa paggamit ng bilyun-bilyong halaga ng pondo ng bayan. Ang anumang kaso laban sa Pangulo na may kaugnayan sa DAP ay maaari lamang isampa pagkatapos ng kanyang termino sa 2016.

Magpahanggang ngayon, hindi pa batid kung magkano talaga ang nagastos mula sa DAP na parang ang Pangulo at ang Budget Secretary lamang ang nagdedesisyon sa mga proyekto. Sa isang pagkakataon, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) sa website nito na mahigit P157 bilyon ang nai-release. Sa kanyang memorandum noong Disyembre, 2013, na nagrerekomendang ihinto ang DAP, inilagay ni Secretary Abad ang halaga sa P144 bilyon. Wala pang komprehensibong pagtutuos ng DAP funds.

Sa pinal na desisyon ng Supreme Court na kumikilala sa mga “may-akda” ng DAP na dapat managot, marahil sa wakas may kaunting linaw na tayo sa usaping ito. Kailangang isampa na ngayon ang karampatang kaso sa mga angkop na hukuman.