Hindi lamang ang karera ang tututukan sa Ronda Pilipinas 2015, iprinisinta ng LBC, kundi ang pagtulong din sa komunidad sa itinakdang panahon para sa “community service”, bukod pa sa paghahanap ng mga siklista na may potensiyal na maging miyembro ng national team.  

Pamumunuan ni Nena Wuthrich, head ng LBC Foundation na kapareha ng Ronda sa nakalipas na apat na edisyon, ang pagsasagawa ng social works, ang inilinya nilang ilang programa na kabilang ang environment friendly activities na sisimulan ng mangroves planting sa Bacolod sa Pebrero 12.

“This is in line with LBC’s thrust to reach out to the community using Ronda Pilipinas as one of our vehicles,” sinabi ni Wutrich.

Ang ibang aktibidad na itinakda ng LBC Foundation, habang humahataw ang Ronda, ay ang pagbisita sa mga biktima ng cancer sa Kythe Foundation sa Tarlac City sa Pebrero 16, pagsasa-ayos at paglalagay ng bakod sa piling eskuwelahan sa Antipolo City sa susunod na araw at feeding program sa Dagupan, Pangasinan sa Pebrero 26.  

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

May tree-planting din na pinaplano sa Dumaguete City kung saan ay sisimulan ang Ronda at maging ang mountaintop Baguio kung saan magtatapos ang pinakamalaki at pinakamayamang karera sa bansa.

“Ronda Pilipinas is not just all about the race, it’s also about promoting local tourism by showing off some of the country’s beautiful places, doing community service and promoting environmental protection,” pahayag ni Ronda Executive Director Moe Chulani.

Magsisimula ang Ronda sa tatlong stage ng Visayas qualifying leg sa Pebrero 11-13 sa Negros island kung saan ay 54 slots (50 elite at 4 juniors) ang nakataya at magpapatuloy sa dalawang stage sa Luzon sa Pebrero 16 at 17 sa Tarlac at Antipolo City kung saan ay nakataya ang 34 silya (30 elite at 4 juniors).

Ang 88 Visayas at Luzon qualifiers ay mapapasama naman sa nakaraang taong kampeon na si Reimon Lapaza ng Butuan at ang siyam-katao ng national team sa pamumuno ni Mark Lexer Galedo at ang bibisitang European team para sa championship round sa Pebrero 22-27 na sisikad sa Greenfield City sa Sta. Rosa at magtatapos sa Baguio.

Ang Visayas’ Stage One ay magsisimula sa Negros Oriental Provincial Capitol at magtatapos sa Silay City Plaza kung saan ay tatahakin nila ang 172.7 kilometers para sa elite at 120.2 kms sa juniors.

Ang Stage Two ay papadyak sa Bacolod City Plaza at magtatapos sa Bacolod Government Center na dadaan sa Don Salvador Benedicto at San Carlos na may 158 kms sa elite at 110.5 kms sa  juniors sa Pebrero 12.  

Ang Stage Three ay sisimulan sa Negros Occidental Provincial Capitol at magtatapos naman sa Cadiz City na tatahak sa kabuuang 123 kms para sa elite at juniors.  

Ang karera ay suportado ng major sponsors na Manny V. Pangilinan Sports Foundation at Petron at maging ang minor sponsors na Cannondale, Standard Insurance, Tech1 Corp., Maynilad at NLEX kung saan ay may basbas ito ng PhilCycling sa ilalim ni Cavite Congressman Abraham “Bambol” Tolentino sa pakikipagtambalan sa TV5 at Sports Radio bilang media partner.

Ang mga interesadong sumali ay makakakuha ng registration form online sa Ronda Pilipinas’ official Facebook page, https://www.facebook.com/RondaPilipinas, at Twitter account, @rondapilipinas, o maaring magparehistro isang araw o dalawang oras bago ang Qualifying Race Day  sa halagang P1,000 kada entry sa bawat Stage.