Hiniling ng parish priest at mga residente ng Obando, Bulacan sa Korte Suprema na ipatigil ang konstruksiyon at operasyon ng P600 million landfill project sa Barangay Salambao ng naturang munisipalidad.

Pinangunahan ni Fr. Vergs Ramos at Maria Teresa Bondoc, hiniling ng mga petitioner sa Supreme Court na baliktarin ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagbabasura sa kanilang inihaing Writ of Kalikasan laban sa Ecoshield Development Corporation (EDC), may-ari ng 45-ektaryang landfill project.

Nagdala rin ng imahe ng Our Lady of Salambao ang mga petitioner sa kanilang pagtungo sa tanggapan ng Kataastaasang Hukuman sa Padre Faura St., Ermita, Manila kamakalawa.

Ilan sa mga parishioner ang nag-alay ng kanilang tradisyunal na sayaw, na karaniwang ginagawa ng mga nais magkaanak at nananampalataya sa Our Lady of Salambao.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“The toxic fluids from the garbage in the so-called Obando sanitary landfill will poison the waters, the air, the fish, the plants, and ultimately, the residents, not only of Obando, but of all the communities surrounding Manila Bay,” pahayag ng mga petitioner sa SC.

Iginiit ng grupo na ang kanilang karapatan sa ilalim ng Konstitusyon para sa malusog at masaganang kapaligiran ay nilabag ng proyekto dahil sa pagsira ng mga bakawan upang magbigay daan sa tambakan ng basura.

Ibinasura ng CA ang inihaing petisyon ng grupo na nagsasabing makasisira ng kapaligiran ang malaking proyekto base sa nakasaad sa Rules of Procedures for Environmental Cases (RPEC).

Kinatigan din ng korte ang argumento ng EDC na malaki ang ibinuhos nitong puhunan sa proyekto upang matiyak na naaayon at ligtas ang engineering design nito bukod sa makatutulong sa suliranin sa waste management ng Obando.

Umabot na sa P500 milyon ang ginastos ng EDC sa proyekto hanggang Hunyo 2013.

Sinabi rin ng grupo na walang tunay na konsultasyon na naganap na sana’y naging pagkakataon upang mailabas ng mga residente ang kanilang saloobin hinggil sa dambuhalang proyekto.