Hindi pa pwedeng sampahan ng kaso si Pangulong Benigno Aquino III kaugnay sa pagdeklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero, hindi pwedeng masampahan ng kaso si Aquino dahil sa “immunity from suit” na nakagarantiya sa kanya habang nakaupo pa itong Pangulo ng bansa.
“They may be sued, except PNoy who is immune from suit during his incumbency,” paliwanag ni Escudero nang tanungin kung pwedeng masampahan si Pangulong Aquino at si Budget Secretary Florencio Abad.
Tiniyak din ni Escudero na sa 2015 national budget ay sinunod nila ang desisyon ng SC.
“I welcome the decision of the SC. The minor modification does not affect the legislations we passed regarding the budget. The 2015 budget remains to be compliant with the decision,” dagdag ni Escudero.
Ikinatuwa rin ni Senator Grace Poe ang desisyon ng SC at iginiit nito na igagalang at susundin nila ito
“In that case, kailangan nating igalang ang desisyon ng Korte Suprema. At least ngayon nalinawan na kasi diumano noong mga nakaraang administrasyon ay mayroong ganyang uri ng paggasta ng pera,” ayon kay Poe.