Insensitive, incompetent at kulang umano ng malasakit Si Pangulong Aquino sa mga kaanak ng 44 miyembro ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) na namatay sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Ang pahayag ay ginawa ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., matapos ang hindi pagdalo ni PNoy sa arrival honors na inilatag ng gobyerno para sa mga 44 napaslang na miyembro ng PNP-SAF, at mas piliin pang dumalo sa inagurasyon ng isang planta ng saksakyan sa Laguna.
Kasabay nito, nagpahayag ng paniniwala si Bacani na nagkaroon ng pagkukulang ang Pangulo nang isnabin ang emosyonal na okasyon.
Ayon kay Bacani, nakalulungkot na hindi dumalo ang Pangulo sa pagdating ng mga labi sa Villamor Airbase bilang pinuno ng bansa lalo na’t maraming buhay ang nabuwis sa pagtugon sa kanilang tungkulin.
Ikinalulungkot ni Bacani ang kakulangan ng Pangulong Aquino ng pakiramdam at sa pagtanggi nito sa kanyang responsibilidad bilang commander-in-chief ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
“Nakalulungkot, hindi lamang ang pagkamatay sapagkat sayang ‘yung buhay na ‘yun… kasi meron makita mo ang incompetence d’yan at masasabi ko na sa paningin ko, ang ating Pangulo ay naging incompetent dito. Kulang ng sensitivity, bilang commander-in-chief,” paliwanag pa ni Bacani, sa panayam ng Radio Veritas.
Pinayuhan rin ng obispo si Aquino na tanggapin ang responsibilidad at itama ang kanyang pagkakamali, gayundin ang kawalan ng malasakit sa dinaranas na pighati ng mga naiwang mahal sa buhay ng mga namatay na pulis.
“Pero ang sabi the President should be censured by the Filipino people, but resignation is out of the question for the time being. Pero aminin ang pagkakamali at humingi ng tawad sa bayan,” aniya.