Magkaparehong batas ang kasalukuyang itinutulak ngayon ng Senado at Kongreso upang pondohan ang mas siyentipiko at sopistikadong pasilidad para sa pambansang atleta sa pagpapatayo ng modernong Team Philippines National Training Center sa Clark Pampanga.
Sinabi ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia kahapon na isang batas ang itinataguyod ni Senate Committee on Youth and Sports chairman Senador Sonny Angara Jr. kung saan ay nakasaad ang pagtakda ng pondong P2B para gamitin sa pagpapatayo ng National Training Center.
Ang kahalintulad na batas ay sinususog naman nina House Committee on Youth and Development at Davao Del Norte Congressman Anthony del Rosario Jr. at Pampanga Representative Joseller “Yeng” Guiao na mula sa Mababang Kapulungan upang agad na maisabatas ang pagbibigay ng pondo sa pagsasa-ayos ng pasilidad.
“It is moving,” sinabi ni Garcia. “Taus-puso nating pinasasalamatan ang mga mambabatas natin na naniniwala na kailangan na talaga natin iangat ang kalidad ng ating mga pasilidad para bigyan ng maayos na pagsasanay ang ating pambansang atleta.”
Umaasa si Garcia, na siyang pinakamatagal na naupo bilang PSC Chairman mula nang itatag ang ahensiya, na agad na maaaprubahan ang ipinanukalang batas sa Senado at Kongreso upang hindi na ito magkaproblema sa paghahanap ng pondo at hindi na rin maibenta ang makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex (RMSC).
Nakatakda sanang magtungo si Garcia, kasama ang opisyales ng Philippine Olympic Committee (POC), kahapon upang pirmahan nila ang Memorandum of Agreement (MOA) at nagmamay-ari ng kinatitirikang lupain na Clark International Airport Center (CIAC) na magbibigay karapatan dito sa pagtatayo ng training center.
Sakaling makumpleto ang dokumento sa pagitan ng POC, PSC at CIAC, maari nang simulan agad ng PSC ang pagpapaplano sa moderno, sopistikado, siyentipiko at makabagong training center sa bansa.
Pansamantalang iniliban ang sana’y nakatakdang pirmahan sa susunod na linggo dahil sa dadalo si Garcia sa gaganaping pagpupulong sa Kongreso sa Pebrero 11 at sa Senado sa Pebrero 12.
“We will formalized the agreement so that we can start the construction of the badly needed modern training center for our athletes,” ayon kay Garcia, na ipinaliwanag na rerentahan ng ahensiya ang lugar sa halagang P1.00 kada taon sa loob ng 25 taon at maaring sundan sa susunod na 25 taon pa.
Samantala, hinihintay pa rin ng PSC ang desisyon ng Department of Justice (DoJ), partikular na kay Justice Secretary Laila De Lima, ang hinggil sa hininging opinyon nila sa pagnanais na mailipat ang karapatan sa mamamahala sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC).