Bianca King

INI-ENJOY ni Bianca King ang Mac & Chiz sa TV5 na first regular sitcom niya, pagkatapos ng mga drama series na ginawa niya noon sa GMA-7. 

“Una akong gumawa ng romantic-comedy sa Wattpad Presents, pero ito ang full-sitcom ko,” sabi ni Bianca sa pocket presscon na ibinigay sa kanila ng TV5.  “Ako lang ang girl sa cast, kahit pa one of the boys din naman ako, with Derek Ramsay, Empoy Marquez, John “Sweet” Lapus at Jojo Alejar.  Maganda ang bonding namin dahil bagets din ang director naming si Jade Castro.  I’m thankful din sa TV5 dahil binigyan nila ako ng chance na ipakita ko rin ang other side ko, kasi in real life, mahirit din ako.”

Sa story, si Bianca ay si Candy, babaeng all-around dahil pinapasok niya kahit anong trabaho.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Pumasok ako sa family ng kambal na sina Mac (Derek) at Chiz (Empoy) at ang ibinigay nilang trabaho sa akin, PA (personal assistant) ni Chiz. Tinuturuan ko siya ng tamang asal, ng tamang pagdadamit, later on, tumutulong na rin ako sa mga trabaho sa restaurant ni Mac (Derek).  First time kong nakatrabaho si Derek na may bala rin palang itinatago, mahusay din siyang magpatawa.  Mabilis naman akong nasanay sa mga patawa ni Empoy at naging friends kaming lahat sa set.  Ang story ko, umiikot sa story nina Mac at Chiz.  Wish ko nga sana magtuluy-tuloy ang sitcom namin, na balita ko ay happy ang TV5 dahil kami ang pinakamataas ang rating sa primetime every Sunday, napapanood kami at 8:00 PM.”

Freelancer si Bianca at kung may projects daw na sabay i-offer sa kanya, drama at sitcom, pipiliin niya ang sitcom dahil nag-i-enjoy siya at walang pressure sa trabaho, lalo pa at twice a week lang sila nagti-taping. 

Bukod sa Mac & Chiz, busy rin si Bianca sa businesses niya. Mayroon siyang yoga studio sa Rockwell, ang Beyond at may small restaurant siya sa Creek Side Square sa Tomas Morato, ang Runner’s Kitchen, and they offer healthy foods.  May kasosyo siyang nagma-manage ng restaurant pero kapag wala siyang work, nandoon siya at binibisita niya ang kitchen nila.  May blog din si Bianca, ang biancaking.com The Closet Housewife.

Going strong din ang lovelife nila ng boyfriend na si Julio Villafuerte na after ng studies sa States ay umuwi na sa bansa at may mina-manage na family business nila sa The Fort.  Natawa si Bianca nang tanungin namin kung kailan naman sila magpapakasal ni Julio, dahil uso naman ngayon ang kasalan ng celebrities.  Wala pa raw silang balak na magpakasal pero mas happy raw siya sa boyfriend na hindi showbiz dahil mas marami itong naituturo sa kanya, kaya mas lumawak ang pag-iisip niya.

“Siguro siya ang tanungin natin, pero sa ngayon, mas gusto ko talaga ay mapauwi dito sa Pilipinas ang parents ko dahil sobrang lamig sa Edmonton, Canada.  Kinukumbinsi ko si Daddy na umuwi na sila rito at tulungan akong mag-manage ng businesses ko.  Sana pumayag siya.”

Tinanong namin si Bianca kung dadalo siya sa wedding ng friend niyang si Heart Evangelista on February 15 kay Sen. Chiz Escudero, hindi raw dahil hindi naman siya invited.