Derek at Kris

MASAYANG isinalubong kay Derek Ramsay ng TV5 sa presscon last Monday ang mataas ang rating ng first time niyang pagganap sa sitcom sa Mac & Chiz.

Gumaganap silang kambal ni Empoy Marquez sa Mac & Chiz. Sa story, maayos na ang buhay ni Mac (Derek) nang iutos sa kanya ng amang hanapin ang nawawala niyang kakambal na si Chiz (Empoy).  Kung saan-saan siya naghanap ng kamukha niyang guwapo at kasing-talino, pero ang nawawala pala niyang kakambal ay ang lugaw vendor na si Francisco Espinosa (Chiz).  Dito na nagsimula ang riot sa kanilang buhay at bahay.

Hindi ba nag-alaala si Derek na kilala siyang nagda-drama sa mga pelikula at teleserye, ‘tapos ngayon nagpapatawa?

National

PBBM sa Undas: ‘Let this day of memorial rekindle us to be better Filipinos’

“Noong una, scary, dahil alam ko iba ang comedy sa drama,” natatawang sagot ni Derek.  “Iba rin ang comedy ni Empoy, pero hindi siya maramot, he is willing to share.  Una kaming nagkasama ni Empoy sa ABS-CBN, sa fantasy soap na Super Inggo, ako si Machete, siya si Petrang Kabayo. Sila ni Sweet (John Lapus) ang mentors ko at laging masaya sa set, with Bianca King, the only girl in the group, kasama si Jojo Alejar.  May mga times na hindi ako makapigil sa pagtawa, kaya kung minsan umaabot kami ng ilang takes, there was one scene na inabot kami ng 21 takes dahil lahat kami hindi makapigil sa pagtawa dahil kay Empoy.”

Hindi naiwasang matanong si Derek sa mga pangyayari tungkol sa pagkasawi ng 44 Special Action Force (SAF) members.  Nakita namin ang pagbabago ng facial expression ni Derek.

“Pagkatapos ng napakasaya nating pagsalubong kay Pope Francis, who will expect na may ganitong mangyayari sa 44 SAF members. I’m very angry at what happened, affected din ang daddy ko who is a former policeman, sabi niya, action has to be done, the peace talk is not respected. I know the president (Noynoy Aquino) and the officials are doing a great job, but anything they will do, dapat tama, at dapat gumawa sila ng tama sa families ng Fallen 44.”

Friend niya si Kris Aquino, ano ang masasabi niya na tumatanggap din ng bashing si Kris mula sa netizens sa social media sa mga nangyari?

“Why bash her? Hindi naman dapat na siya ang sisihin. I know ginawa naman niya ang dapat on her part. Kaya dapat talaga magkaroon agad ng investigation para malaman ang totoo.  Mahirap basta magsalita.”

Bukod sa Mac & Chiz, may adventure-reality series ding ginagawa si Derek sa TV5, ang Extreme.  May dalawang movies din siyang gagawin under Toto Natividad, ang Pangil at ang Mandirigma under Arlynn dela Cruz,  isang marine story.  May gagawin din silang movie uli ni Jennylyn Mercado, follow-up sa kanilang blockbuster MMFF movie. Guest si Derek ni Jennylyn Mercado sa Valentine concert nito sa February 13 sa SM North EDSA Skydome, titled Oo Na! Ako Na Mag-isa! Kaya Samahan N’yo Naman Ako!

Kakanta ba siya?

“Lagi nga kaming magkausap ni Jen, tinatanong ko kung ano ang gagawin ko, alam naman niyang hindi ako kumakanta, sabi ko magti-tape na lang ako ng song, hindi raw p’wede. Baka doon na lang niya ako ilagay sa first part ng concert na bubuhayin niya ang character ni Tere Madlansacay ng movie naming English Only, Please.  Guests din kasi niya ang cast ng movie namin, sina Kean Cipriano, Cai Cortez, Jerald Napoles. Siguro, bago dumating ang concert, alam ko na kung ano ang gagawin ko,” nagtatawang patapos ni Derek.

Napapanood ang Mac & Chiz every Sunday, 8:00 p.m., sa direksyon ni Jade Castro.