Magiging kalunus-lunos kung ang pag-asang makamit ang kapayapaan sa Mindanao bunsod ng Bangsamoro agreement ay magmamaliw sa lumalagong galit at pagkondena sa pagpaslang sa 44 commando ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police sa Mamasapano, Maguindanao.
Tinatahak na ng Bangsamoro agreement ang daan patungo sa pagwawakas ng deka-dekada nang bangayan sa Mindanao na pinasiklab ng iba’t ibang Moro front, nang mangyari ang masaker sa 44 miyembro ng SAF. Ngayon, sinuspinde ng Senado at ang Kamara de Representantes ang lahat ng deliberasyon sa panukalang Bangsamoro Basic law (BBL). Ang lahat ng atensiyon ay nakatuon ngayon sa imbestigasyon ng pagkakapaslang sa 44, kabilang ang halatang kabiguan sa pagpaplano, sa pangangalap ng impormasyon ng intelligence, at ang aktuwal na operasyon.
Naroon din ang human element – ang matinding hapdi ng pagkawala na naramdaman ng mga pamilya ng mga biktima na umaasa ng mas malawak na simpatiya mula sa kanilang mga opisyal. Nilayon ni Pangulong Aquino na bawasan ang kanilang kapighatihan sa pakikipagkita nang isa-isa sa mga pamilya ng 44 biktima, tinatanong ang tungkol sa kanilang mga problema at hinaing, at nag-alok ng lahat na posibleng ayuda.
Ginigiit ng sambayanan ng mga kasagutan. Sa ibabaw ng paglikha ng PNP ng isang Board of Inquiry na tumanggap na ng mga pahayag mula mga testigo, may isang pagkilos para itatag ang isang Truth Commission. Inaasahan na ang paghahanap sa katotohanan ay magiging mabilis at matagumpay, upang maipatupad ang corrective measures at umiral ang katarungan. At pagkatapos, maaari na nating ipagpatuloy ang peace process na naabala ng pagkakapaslang sa 44 kabataang police commando.
Kahit wala pa ang Mamasapano massacre, humaharap na sa maraming suliranin ang BBL sa Kongreso dahil sa ilan nitong probisyon na pinaniniwalaang unconstitutional. Ngunit ang paghahanap sa mga solusyon ay nagpatuloy, itinutulak ng pag-asa na ang Bangsamoro Entity ang matagal nang hinahangad na solusyon sa hidwaan sa Mindanao.
Nananatili ang pag-asa, lalo na sa mga miyembro ng peace panel na naglaan ng maraming panahon at pagsisikap sa usapin. Nahinto ito dahil sa pagkakapaslang sa 44 miyembro ng SAF. Ngunit hindi dapat hayaan iyon na magmaliw.