Walo katao, kabilang ang limang bata, ang hinostage ng naburyong na lalaki sa isang paupahang bahay sa Pasay City kahapon ng madaling araw.

Sinabi ni Pasay City Police chief Senior Supt. Sidney Sultan Hernia na nakaligtas at isinailalim sa stress debriefing ng Pasay Rescue ang mga biktimang sina Jonelle at Rolando Balindo, mag-asawa; tatlong anak na nasa edad 3, 4 at 8; kapatid ni Jonelle na si Jose Veloso, 2-anyos; at dalawang paslit na kapitbahay na may isa at tatlong taong gulang na ipinaalaga lamang sa mag-anak.

Sugatang dinala ng rescue team sa malapit na pagamutan ang suspek na si Christopher Magsusay, 56, ng sa Canoy St., Barangay 132 ng lungsod na ito.

Dakong 5:30 ng madaling araw hinostage ni Magsusay ang mga biktima sa loob ng bahay ng pamilya Veloso sa nasabing lugar.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Bago ang pangho-hostage ng suspek, umuwi siyang mainit ang ulo dahil nag-away sila ng kanyang live-in parter na si Fely Igonia, may-ari ng tindahan sa lugar at nakarinig na lamang ang mga residente roon ng limang sunud-sunod na putok ng baril.

Agad rumesponde ang mga tauhan Special Weapon and Tactics (SWAT) sa lugar at pinalayo o pinalikas pansamantala ang mga residente.

Unang rumesponde umano ang dalawang pulis sa lugar subalit agad silang pinaputukan ng suspek kaya gumanti ng putok ang mga ito at dito na hinostage ni Magsusay ang pamilya Balindo sa naturang compound.

Ilang oras din ang negosasyon ng suspek na si Magsusay at ni barangay kagawad Jose Maria Mendoza, na dating amo nito, dahil sa pabagu-bagong sinasabi at tila wala sa sarili habang walang malinaw na demand.

Dala marahil ng pagod, naidlip si Magsusay kaya nagkaroon ng pagkakataong makatakas ng bahay ang limang bata dakong 12:10 ng tanghali na agad sinalubong ng Pasay Rescue team habang naiwang bihag ang mag-asawa at si Veloso.

Nang nahimasmasan ang suspek tinangka umano nitong akyatin ang bubong ng bahay ng pamilya subalit sinasabing bumagsak ito sa lupa.

Bandang 12:45 ng tanghali nang mailigtas ng mga awtoridad ang tatlong natitirang hostage victim habang duguang inilabas ng bahay ang suspek hudyat na tapos na ang hostage drama.