Nag-aalala ka ba na baka bukas, makalawa, ay sisibakin ka na? Narito ang ilang senyales na malapit ka nang sibakin:
- Sinisilip ng management ang iyong mga kilos. – Matapos ang huling performance review, walang abisong bigla na lang minamanmanan ng management ang iyong mga ginagawa sa oras mo. Pakiramdam mo, hindi ka katiwa-tiwala na ginagawa mo ang iyong trabaho nang mahusay at hinihingan ka ng report halos araw-araw tungkol sa mga ginawa. Maaari sinisilip ang ginagawa mo dahil nais ng management na magpatupad ng mga pagbabago sa kumpanya, at ang pinakamalala, nais ka lang talagang tanggalin ng kumpanya dahil may ipapasok silang iba. Ngunit ang pagsisibak ay hindi basta na lang nangyayari, at karaniwan na may dahilan ang iyong employer bago ibigay sa iyo ang isang memorandum na sinisibak ka na. Marami sa mga employer na ibinabaybay ang kanilang mga inaasahan, at ipinaliliwanag sa kanilang sisibakin kung bakit hindi natutupad ang ilan sa kanilang mga inaasahan bago sila nag-iisyu ng ano mang disiplinary action.
- Hindi na komportableng makasama ka ng iyong boss. – Nararamdaman mo bang para kang iniiwasan na ng iyong boss o superyor? Kung nararamdaman mong parang iniiwasan ka na ng iyong boss o ng mga staff ng HRD, karaniwan lamang ito at hindi dapat pangambahan. Ngunit kung ikaw ay pala-absent o laging late, o hindi maganda ang iyong performance o may mabibigat na issue ka sa ibang manggagawa, huwag mong pagtakhan kung makatanggap ka ng love letter mula sa management.
- May ipatutupad na malalaking pagbabago sa loob ng kumpanya. – Sumusuong sa maraming paghamon ang halos lahat ng negosyo. Ngunit may ilang pagbabago tulad ng pagkakaroon ng bagong may-ari, o bagong management, o may problema sa pananalapi na tuwirang makaaapekto sa mga empleado – pansamantalang layoff o pagtatanggal. Kaya kung may mga nakikita o nababalitaan kang sinibak ang isang empleado sa kumpanyang iyong pinaglilingkuran o parang isinusulong ng kumpanya ang mas mainam na plano nang hindi ka isinasama sa kanilang mga balakin, malamang na hindi ka na kasama sa listahan ng mga empleado sa bagong organisasyon.