Julian Trono

LUMIPAD patungong Korea si Julian Trono ngayong linggo para sa kanyang guest spot sa live musical variety program ng MBC na Show Champion.

Kinakitaan ng malaking potensiyal sa pag-awit ang GMA Artist Center teen idol nang mapanood ang kanyang performance sa telebisyon. Agad siyang napansin ni Jin-Eog Kim kaya siya ang napili nitong sanayin at hasain. Si Jin-Eog Kim ang co-CEO ni Alfredo delos Santos sa JU Entertainment Music & Contents Inc., isang Pinoy company na nag-a-adopt ng Korean Pop (KPop) system. Nakilala rin siya sa kanyang pagiging eksperto sa scouting, talent development and artist management at kabilang sa kanyang mga nadiskubre ang SeoTaiji and Boys.

Patuloy pa rin ang training ni Julian upang malinang ang kanyang talento sa pag-awit at maging sa pagsasayaw sa ilalim ng KPop system.

National

Amihan, shear line, ITCZ, patuloy na magpapaulan sa PH

Kabilang sa dream team na umaalalay kay Julian ang songwriter na si Jack Kim (Kim Heon-Jik) na nakatanggap ng Jade Solid Gold Best Ten Music Awards for best composer sa China at Hong Kong noong 2005 dahil sa kanyang kontribusyon sa music industry gamit ang kanyang mga komposisyon para sa mga sikat na Korean artists, drama programs, mga pelikula, at napakaraming komersiyal.

Bahagi sa music video ni Julian ang sikat na Korean rapper na si ONE, miyembro siya ng crossover hip-hop team na ‘T.L CROW’ at nakapag-perform na bilang underground artist at nakasama na ng iba’t ibang artists mula sa United States at Korea simula noong 2003 nang manalo siya sa Joe Jackson Hip-Hop Boot Camp, isang rapping battle na sinimulan ni Joe Jackson, ama ni Michael Jackson. Si ONE ang unang Asyano na nanalo sa buong kasaysayan ng naturang rapping battle.

Noong January 29, bumisita si ONE sa Pilipinas upang kunan ang music video ng upcoming single ni Julian na Wiki Me sa direksyon ni Albert Langitan, isang respetadong drama and reality shows director ng GMA Network.

Samantala, si Hwang Young-Chul naman ang opisyal na photographer para sa proyektong ito. Kinilala siya bilang best photographer for profile pictures ng top Korean celebrities at pinagkatiwalaan ding kumuha ng litrato para sa 60 Korean drama at movie posters. Dahil sa kanyang natatanging galing, maraming beses na siyang nagtanghal ng photo exhibitions sa Korea at Japan at ginawaran ng Korea Culture Entertainment Award for Hallyu (Korean Wave) Star Photographer noong 2011.

Kinumpleto ang dream team ng GMA Records na kasama sa bawat proseso ng nasabing proyekto ito at magiging distributor ng Wiki Me worldwide.

Labis-labis ang suportang ibinibigay kay Julian kaya naman ganado ang Kapuso teen star na lalo pang magpursigi sa kanyang ginagawa.

Aminado si Julian na bago ito para sa kanya. “A lot of people, mas kilala nila ako as a dancer, so big leap siya para sakin. And for the past couple of months I’ve been under serious training,” ani Julian. Ngunit hindi ito naging hadlang upang makatulong siya sa ikagaganda ng produksyong ito. Ibinahagi ni Julian ang mga naging kontribusyon niya simula sa pag-aayos ng beat ng kanta hanggang sa magiging itsura ng kanyang music video.

Ayon sa kanya, hindi maiwasan na mangibabaw ang pagiging choreographer niya ngunit sa huli naisip din niyang magandang oportunidad na ito para matuto at masubok pa ang kanyang talento. “Actually sabi ko nga, gusto kong ako na lang ang mag-choreograph. But then again sabi kasi nila gusto nila ng Korean touch. Pero ang ganda ng experience na ‘to, kasi kumbaga yung mga ideas ko, nagma-materialize into something big like this,” paliwanag ni Julian.

Dagdag pa niya, excited siyang makakilala ng mga Korean artists at higit sa lahat, ang maging kinatawan ng Pilipinas sa bansa kung saan buhay na buhay ang pop music.