TRAHEDYA SA TAGUIG-  Kinakarga ng rescuers ang isang biktima ng pagguho ng isang  gusali sa Bonifacio Global City sa Taguig City noong  Pebrero 4, 2015. Ayon sa inisyal na ulat,  dalawa ang  iniulat na namatay at 11 ang  nasugatan nang bumigay ang isang  bahagi ng  itinatayong gusali habang nagbubuhos ng semento ang mga manggagawa. (EPA)

Patay ang dalawang construction worker habang 11 iba pa ang sugatan sa pagguho ng bahagi ng itinatayong gusali sa kanto ng 5th at 28th Avenue Streets sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City kahapon ng umaga.

Patay na nang mahugot ng Taguig Rescue team sa pangunguna ni Chief Insp. Maclang ang bangkay ng dalawang biktima na sina Ruben Racraquiam at Renan Dela Cruz matapos madaganan ng gumuhong sahig.

Samantala dinala sa Saint Luke’s Medical Center sa BGC ang mga sugatan na sina Sandy Vargas, Jayuar Carberta, Regan Labmutin, Larry Magguray, Wendil Behim, Aldrin Gahuman, Roberto Lorca, Darwin Abara, Jonathan Agoso at Delinger Abara habang sa Ospital ng Makati naman ang biktima na si Bernard Tugade.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa natanggap na inisyal na ulat ni Taguig Police chief Felix Arthur Asis, dakong 8:10 ng umaga bumigay ang mga bakal at gumuho ang bagong buhos na semento sa upper ground floor ng Jazz Suite ng Ayala Land Premier developer at nabagsakan ang tinutuntungang andamyo ng mga trabahador sa nasabing construction site.

Nabatid na ang itinatayong gusali ay bilang condominium at mall sa nasabing lugar.

Rumesponde ang rescue team sa lugar at sa tulong ng ibang construction worker ay nahugot ang mga nabagsakang biktima subalit patay na sina Racraquiam at Dela Cruz.

Nagdulot ng matinding sikip ng trapik sa mga lansangan sa BGC matapos na hindi madaanan ng mga motorista ang 5th Avenue Street dahil sa insidente.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente at inaalam pa ang mga benepisyong matatanggap ng mga biktima gayundin kung sino ang dapat managot sa nangyari.