Tinanghal na kampeon ang Asian Juniors veterans na sina Jesca Docena at Melito Ocsan sa tampok na Girls at Boys Under 15 sa ginaganap na 2015 National Schools & Youth Chess Championships sa PSC Athletes Dining Hall sa PSC Administration Building sa Vito Cruz, Manila.

Nakapagtipon ang Shell Active Youth Chess champion at estudyante sa Wesleyan U na si Docena ng perpektong 5 puntos sa tampok na Girls Under 15 upang pamunuan ang kapwa may itinala na 4.5 puntos na sina Allanney Jia Doroy ng National U at Genlaiza Pearl Bagorio ng UE Manila.

Namuno naman sa Girls Under 13 si Francois Marie Magpily ng Pio Del Pilar NHS-Makati sa kabuuang 5.5 puntos para sa titulo. Ikalawa si Darlyn Villanueva ng Trapiche ES-Tanauan na may 5 puntos at ikatlo si Iris May Dela Cruz ng Siniloan NHS-Laguna sa 4 na puntos.

Dinomina ni Jerlyn Mae San Diego mula sa 1st Uniting Christian School-Dasma ang Girls Under 11 sa natipong 4.5 puntos kontra sa pumangalawa na si Ma. Elayza Villa mula Isaac Lopez IS-Mandaluyong na may 4 puntos at ikatlo na si Rheam Arah De Guzman ng Marie Margarette School-Sta. Rosa na may 3 puntos.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nagwagi sa Girls Under 7/9 sina Jaira Chai Tomboc ng Renato Lopez ES-Mandaluyong sa tinipon na 5 puntos habang ikalawa si Ma. Christina Samarita ng Gen. Trias ES-Cavite na may 4 puntos at ikatlo si Daren Dela Cruz ng Silang West ES-Cavite na may 3 puntos.

Kampeon naman sa Boys Under 7 si Gladimir chester Romero ng Talaga Central School na may 5 puntos habang naghati sa ikalawa at ikatlo sa parehas na 3.5 puntos sina Thyrone Jacutina Jr. at Io Aristotle Nikolai Calica.

Wagi sa Boys Under 9 si Jerish John Velarde ng Lapu-Lapu City Central HS sa 5.5 puntos habang ikalawa si Cedric Daniel Macato ng South Learners Creative School. Ikatlo si Robert James Perez ng Our Lady of Lourdes School.

Nanalo sa Boys Under 11 si Daniel Quizon ng San Juan ES na may 5 puntos habang ikalawa si Justine Diego Mordido ng CAA ES sa 4.5 puntos at ikatlo si Michael Concio Jr. ng St. Anthony School na may 4 puntos.

Iniuwi ni George Raven Tobera ng Sta. Cruz ES ang Boys Under 13 sa 5 puntos kasunod si Gal Brien Palasigue ng Rizal ES na mayroon din 5 puntos habang ikatlo si Edrian Flores na may 4 na puntos. 

Pumangalawa at ikatlo naman ang magkapatid na sina Darry at Dale Bernardo kay Ocsan sa Boys Under 15.