Naniniwala si Muntinlupa City Rep. Rodolfo Biazon na hindi maipapasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa itinakdang deadline nito ng Kongreso sa susunod na buwan.

“We will not be able to meet the deadline of the enactment of the BBL,” pahayag ni Biazon, miyembro ng ad hoc committee sa Kamara na tumatalakay sa kontrobersiyal na panukala.

Ayon sa mambabatas mula Muntinlupa, nagsisilbi ring balakid sa pagpasa ng panukala ang naganap na madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao kung saan 44 commando ng Philippine National Police (PNP) ang napatay sa pakikipagbabakan sa puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Aniya, malabong maipasa ang BBL bago magbakasyon ang Kongreso para sa Undas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Balak din ni Biason na maghain ng resolusyon na humihiling na ipagpaliban ang deliberasyon sa BBL hanggang hindi nakukumpleto ang imbestigasyon sa isyu.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng PNP ang karumaldumal na pagpatay sa 44 miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) habang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay mayroon ding hiwalay na fact finding body.

Bukod dito, may sariling imbestigasyon din na isinasagawa ang Department of Justice (DoJ) habang ang Senado ay may dalawang nakabimbin na resolusyon na humihiling sa pagtatatag ng isang “Truth Commission” na magiimbestiga rin sa tinaguriang “Mamasapano carnage.”

“Hindi naming babalewalain ang resulta ng mga imbestigasyon,” giit ng dating senador.