Tinutugis ngayon ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang miyembro ng kilabot na “Resto Gang “ na tumangay ng P1 milyon salapi at mga alahas sa mga biktima sa isang restaurant sa Quezon City, iniulat kahapon.

Base sa report ni P/Supt. Dennis De Leon, hepe ng Fairview Police Station 5, ganap na 1:50 ng hapon nang pasukin at holdapin ng dalawang armadong lalaki ang Hoy Pangga restaurant sa Commonwealth cor. Regalado Avenue, Greater Lagro, Fairview, Quezon City.

Nagpanggap na kustomer ang mga suspek at pagkatapos ay tinutukan ng baril ang mga kustomer at empleyado ng restoran.

“Isa–isa po kaming dinala sa CR at hinubaran habang nakatutok ang baril at tinangay sa amin ang salapi, alahas at mahalagang kagamitan,” ayon sa mga biktima.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Kinilala ni Supt. De Leon ang mga biktima na sina Dan Marvin Anota, 31, data base analyst, ng Bernardino St., Guadalupe Makati City; Joana Tabas Saisaki, 26, medical representative, ng Rainbow Village, Bayombong, Caloocan City; Christian Cruz, 27, seaman, ng Pasong Tamo, QC; Dante Aquino, accountant, ng Palmera Homes, Sta. Monica, QC; Rose Ann Bersale, 25, cashier, ng Bgy. Payatas, QC; Christian Liberata, 25, cook/ waiter, ng Bgy. Dela Paz, Antipolo City at Anthony Villarin, stay in cook ng hinoldap na restaurant.

Matapos makuha ang pakay ay tumakas ang mga holdaper na pawang armado ng .45 kalibre ng baril sakay sa Mio motorcycle na hindi naplakahan.