Isa na namang estratehiya ng administrasyon ang lumutang hinggil sa sinasabing pagkukubli ng karalitaan ng pamilya ng mga batang lansangan. Sa pamamagitan ng Department of Social Services and Development (DSWD), patitirahin umano sa mga apartment ang naturang mga pamilya sa loob ng limang buwan hanggang isang taon o sa panahon ng pagdaraos ng Asia Pacific Economic Conference (APEC) sa taong ito.

Nangangahulugan ba na ang nabanggit na mga pamilya ay ikukubli sa pansin ng mga pinuno ng iba’t ibang bansa upang hindi masilayan ang tunay na situwasyon ng karalitaan sa Pilipinas? Hindi ba dapat lamang nilang madungawan ang naglipanang pulubi at street children upang maging katuwang natin sila sa paglalapat ng solusyon sa naturang mga problemang panlipunan?

Ang nabanggit na estratehiya – kung tuluyan ngang maipatutupad – ay walang pinag-iba sa paghahakot ng mga maralitang pamilya upang dalhin sa isang marangyang resort sa Batangas. Sa loob ng isang linggo o sa panahon ng pagbisita sa bansa ni Pope Francis, ang naturang mga mag-aanak ay mistulang itinago sa naturang pasyalan upang ikubli ang kanilang dinadanas na pagdarahop. At sila ay pinagkalooban ng allowances at iba pang pangangailangan. Ang iba pang eksena ay bahagi na lamang ng mapagkunwaring lunas o band-aid remedy na inilalapat ng administrasyon.

Ang marapat na isulong ng kasalukuyang liderato, sa pamamagitan ng pagsisikap ng iba’t ibang ahensiya, ay ang pagtatayo ng mga job-generating projects. Kailangan ng nabanggit na mga maralitang pamilya ang mapapasukang trabaho na mapagkukunan nila ng ikabubuhay.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sa pamamagitan ng bilyun-bilyong pisong pondo ng conditional cash transfer (CCT) na nasa pangangasiwa ng DSWD, madali itong makapagpapatayo ng mga pabrika ng cottage industry, poultry at piggery, at maging ng mga proyektong pang-agrikultura. Sabi nga ng isang palasak na kasabihan: Huwag natin silang pag-ulamin ng isa, sa halip ay turuan natin silang mangisda.

Talagang hindi dapat ikubli ang ating kahirapan sapagkat lalo lamang nalalantad ang kasinungalingan ng kinauukulang mga awtoridad.