Marami nang nakisawsaw sa pangyayaring naging sanhi ng pagkamatay ng 44 na kasapi ng PNP-Special Action Force. Natural na pangungunahan ito ng mga pulitiko. Kaya, ang senado at mababang kapulungan ng kongreso ay magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ukol dito. Gagawa rin ng imbestigasyon ang PNP, Philippine Army, Department of Justice at Human Rights Commission. Ayaw namang pahuli ang Ombudsman dahil nga sa hindi mapigil na pagsingaw ng pangalan ni Gen. Purisima sa insidente. Bakit aniya lumalabas na may kinalaman pa siya rito gayong siya ay sinuspinde namin? Nais daw ng mga itong gagawa ng imbestigasyon ang ilabas ang katotohanan.

Napakaraming katotohanan ang lalabas dito. Kung ano ang dami ng magiimbestiga ganoon din kadami ang katotohanang lalabas. Dahil sa malamang na hindi magkakatugma ang resulta ng kanilang imbestigasyon at normal lang na ang bawat isa ay magsasabi na ang kanya ang totoo, estilong debateng palengke ang mangyayari.

“Alam ko,” wika ng Pangulo sa mga nagdadalamhating naulila ng mga nasawing SAF commando, “ang inyong pinagdaraanan ngayon.” Naranasan din daw niya ito ng paslangin ang kanyang amang si Senador Ninoy Aquino. Pero, hindi lang ang nararanasang kapighatian ng mga naulila ang alam ng Pangulo. Alam din niya kung paano nais pagtakpan ng rehimeng Marcos ang nangyari sa kanyang ama. Lumikha si Pangulong Marcos ng Agrava Commission na siya niyang inatasang magimbestiga sa pagkamatay ng kanyang ama para malaman kung sino ang dapat na managot dito. Ito ay sa kabila ng sinasabi ng mga sundalong kumuha kay Ninoy sa loob ng eroplano na si Galman ang bumaril sa kanya. Kaya alam ni Pangulong Noynoy kung paano palalabasin o itatago ang katotohanan. Kung tapat ang Pangulo sa kanyang pangako sa mga naulila ng mga pulis na ilalapat niya ang katarungan at papanagutin ang dapat managot, pipigilin na niya ang pagdami ng mga gustong magimbestiga sa insidente. Suportahan na lang niya ang Truth Commission ni Guingona na binubuo ng mga taong kilala na malaya at patas at ang kapangyarihan nito ay sakop ang lahat pati siya at ang mga Kano.
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente