Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na wala silang rekord ng suspendidong Philippine National Police chief na si Alan Purisima na umalis ito ng bansa simula Enero.
Sinabi ni BI Commissioner Siegfred Mison, ang pangalan ng opisyal ay wala sa immigration mainframe database at wala sa alinmang manipesto ng commercial airlines.
Aniya, walang indikasyon na may Allan La Madrid Purisima na umalis ng Pilipinas simula Enero 1, 2015.
Unang napaulat sa isang pahayagan na si Purisima ay umalis papuntang Saipan pagkatapos ng anti-terror operation noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 na miyembro ng PNPSAF.
Bago nito, tiniyak ng mga abogado ni Purisima na dadalo ang kanilang kliyente sa pagdinig ng Senado sa Mamasapano encounter sa Pebrero 9–10.