Isang pangkat ng 392 opisyal at tauhan ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) ang naglunsad ng operasyon noong Enero 26 sa Mamasapano, Maguindanao upang arestuhin sina Zulkifli bin Hir, kilala rin bilang Commander Marwan ng Jemaah Islamiyah (JI), at Abdul Bassit Usman ng grupong Abu Sayyaf.
Si Marwan, isa sa mga pangunahing tinutugis ng pinuno ng JI sa Timog-Silangang Asya, ay pinaniniwalaang sangkot sa pambobomba at iba pang aktibidad ng terorismo sa Mindanao. Si Usman, na nagsanay sa ibang bansa sa paggawa ng bomba, ay may kaugnayan din sa JI at al-Qaeda. Itinuturing na pinakamalaking dagok sa kasaysayan ng pagpapatupad ng batas sa Pilipinas ang nangyari sa Mamasapano. Pinaniniwalaang napatay si Marwan sa operasyon samantalang nakatakas si Usman.Sumiklab ang galit ng publiko dahil sa nangyari at inakasuhan ang MILF na may kagagawan nito, sa kabila ng kasunduan sa kapayapaan na nilagdaan nito at ng pamahalaan noong Marso 2014. Itinanggi ng MILF ang bintang na sadyang pagpatay sa maraming pulis, dahil kapwa armado ang magkabilang panig. Ayon pa sa MILF, 17 rin sa mga kagawad nito ang namatay sa nasabing engkuwentro. Ayon sa mga balita, naglunsad ng magkahiwalay na pagsisiyasat ang MILF at ang pamahalaan upang malaman ang katotohanan. May sariling ring imbestigasyon ang International Monitoring Team (IMT), na sumusubaybay sa pagpapatupad ng kasunduan sa tigil-putukan sa pagitan ng pamahalaan at MILF.
Bunga naman ng nasabing engkuwentro, isinuspinde ng mga komite ng Senado at Mababang Kapulungan ang pagdinig sa panukalang Bangsamoro Basic Law, na magtatatag ng Bangsamoro sa ilalim ng kasunduan sa kapayapaan. Sa ilalim ng BBL, na isinumite sa Konggreso noong Setyembre 2014, ay aalisin ang kasalukuyangAutonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at ipapalit ang Bangsamoro bilang institusyong pulitika rehiyon. Nauunawaan ko ang pagsuspinde sa pagdinig sa BBL dahil sa nagkaroon ng alinlangan sa situwasyon sa seguridad sa Maguindanao, na teritoryo ng MILF at BIFF, ang grupong humiwalay sa MILF bilang pagtutol sa kasunduan sa kapayapaan. Naniniwala pa rin ako sa kapayapaan sa Mindanao, ngunit ang pagkamatay ng maraming alagad ng batas ay nagpalutang sa maraming katanungan. Dahil dito, kailangan nating mag-ukol ng panahon para sa paglilimi at pagsagot sa mga katanungan.