Turuan nang turuan; sisihan nang sisihan - iyan ang nangyayari ngayon sa gobyernong Aquino matapos ang kahila-hilakbot na pagkamatay ng 44 miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) sa kamay ng magkasanib na puwersa ng MNLF at BIFF.
Ang misyon ng SAF ay isilbi ang arrest warrant sa Malaysian bomb expert na si Zulkifli bin Hir alyas Marwan, at local terrorist na si Abdulbasit Usman. Parehong may patong na milyun-milyong dolyar ang dalawa sa kanilang ikadarakip o ikamamatay. Sinisisi ni Boy Sisi, este Pangulong Noynoy, si SAF Director Getulio Napenas sa kakulangan o kawalan ng koordinasyon sa kinauukulang mga awtoridad para sa reinforcement.
Nagtataka rin sina DILG Sec. Mar Roxas at PNP OIC Deputy Director Leonardo Espina kung bakit hindi ipinaalam sa kanila ang operasyon ng gayong importanteng operasyon ng SAF sa Mamasapano, Maguindanao. Sabi nga ni Roxas nang makapulong niya ang mga tauhan ng SAF na lumuluha sa Camp Bagong Diwa: “Ni ha, ni ho ay wala akong alam d’yan.”
May lumulutang na mga espekulasyon na ang operasyong paghuli kay Marwan ay ekslusibong sina PNoy at suspended PNP Chief Director General Alan Purisima lang ang nakaaalam. Ang dahilan daw ay para makabangon sa kinalalagyang situwasyon ngayon si Sir Alan na sinuspinde ng Offfice of the Ombudsman sa alegasyon ng katiwalian. Isa pa raw dahilan ay para makamit ni PNoy ang Nobel Prize kapag nagtagumpay ang pag-neutralize kay Marwan.
Walang duda, nagpupuyos sa galit ang sambayanang Pilipino sa kapalpakan ng operasyon sa Mamasapano. Bumaba ang morale ng PNP at maging ng militar. Di ba si ex-Sen. Joker Arroyo ang nagsabing ang PNoy administration ay parang isang student council na ang namamahala ay mga baguhan, walang kasanayan, pawang mga KKK lang. Tanong sa akin ng kaibigang palabiro pero sarkastiko: “Aba, limang taon na si PNoy sa trono. Hanggang ngayon ba ay nangangapa pa siya at ang mga KKK sa pangangasiwa? Lagi niyang sinisisi sina ex-Presidents Marcos at Arroyo tuwing may okasyon sa loob at labas ng bansa”. Tugon ko: “Itanong mo sa buwan”. Teka muna, kabilugan ba ngayon?