Nanawagan ang isang migrant advocate group sa mga overseas Filipino worker (OFW) na makibahagi sa global signature campaign laban sa kontrobersiyal na International Passenger Service Charge (IPSC) na sinimulan noong Linggo.
Sa isang pahayag, sinabi ni Emmanuel Geslani, miyembro ng #NoTo550 Coalition, na dapat hadlangan ng mga OFW ang pagpapatupad ng IPSC dahil puwersahan silang pagbabayarin ng P550 terminal fee na isasama sa plane fare na itinuturing nilang ilegal.
Sinabi ni Geslani na makakokolekta ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng halos kalahating bilyong piso kada taon mula sa ilegal na bayarin.
“The 19-year old Migrant Workers’ Act of 1995 exempting OFWs from paying travel tax and airport terminal fees,” pahayag ni Geslani.
Aniya, sinimulan na ang signature campaign ng mga OFW sa Macau at Italy laban sa IPSC, na binansagan nilang “Signing Against Fraud.”
“The coalition is mobilizing all migrant groups to reach out to the 5 million OFWs working temporarily all over the world to join, support or duplicate the coalition’s campaign against the IPSC in their respective areas by spreading the word about the MIAA’s new policy that would favor foreign airlines over the rights and welfare of OFWs,” giit ni Geslani.
Idinepensa na ng MIAA ang nasabing patakaran, iginiit na legal ito dahil maaari itong i-refund ng mga OFW at ng iba pang grupo na sinasabing exempted dito bago pa sila makaalis sa Pilipinas.
Subalit, paliwanag ni Geslani, magiging pasanin lang ng mga OFW ang nasabing proseso, dahil kailangan pa nilang iprisinta ang kanilang Overseas Employment Certificate sa refund kiosk sa airport.