Sisimulan sa Ormoc City ang isang grassroots sports development program na Pinay National Volleyball League na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Pebrero 9 hanggang 12 sa Ormoc City Dome.
Sinabi ni PSC Games chief Atty. Jay Alano na ang programa ay bahagi ng Women In Sports at PSC Sports for All para sa 17-Under Girls kung saan ay may kabuuang 12 koponan ang magsasagupa sa apat na lungsod at probinsiya bago magharap sa kampeonato.
“We wanted to help Ormoc City, na kasama sa naapektuhan din ng bagyong ‘Yolanda’ noon, na maibalik ang sigla ng mga tao doon sa sports lalo na ang kanilang mga kabataan,” sinabi ni Alano matapos na makumpirma ang isasagawang torneo kasama si Ormoc City Mayor Edward Cudilla.
Uusad sa kampeonato, na gagawin sa Maynila, ang magwawagi sa torneo na nakalaan para sa Visayas leg.
“Mayroon tayong ginawa last year na apat na leg din pero walang championships. This year, gusto ni Chairman Richie Garcia na magkaroon ng championships so we will invite the four winners last year para sa isasagawa nating National Championships kasama ang apat na champions ngayong taon,” paliwanag ni Alano.
Dapat sana’y unang ginanap ang torneo sa Naga City subalit nagpahayag ang siyudad na hindi pa sila handa sa itinakdang araw ng torneo. Gayunman, nagpasabi mismo si Naga City Mayor John Bongat na sigurado na ang lungsod sa ikalawang yugto ng toeneo ngayong buwan.
Ang ikatlong yugto ng torneo ay itinakda naman sa Tuguegarao sa Marso habang ang ikaapat ay sa Zamboanga sa Abril. Hahataw naman ang championships sa huling linggo ng Mayo sa Maynila.