Nanawagan ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pagbibitiw ni Pangulong Aquino dahil sa pagbibigay ng pahintulot sa operasyon ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao kung saan 44 commando ang napatay.
Sa isang kalatas, sinabi ni KMU Chairman Elmer Labog na dapat panagutin si Aquino sa pagkamatay ng 44 tauhan ng PNP-SAF bilang commander-in-chief ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP).
“The PNP-SAF’s operation in Mamasapano was doomed to fail, and the fault lies squarely with Aquino,” pahayag ni Labog.
Sinabi ni Labog na tinangka ni Aquino na ilihis ang kanyang pananagutan sa operasyon sa pag-aresto sa dalawang international terrorist na sina Zulkifli bin Hir alias “Marwan,” at Basit Usman nang tumanggi itong sagutin ang katanungan kung sino ang nag-apruba sa misyon ng PNP-SAF matapos ang kanyang talumpati sa telebisyon noong Miyerkules.
“This was belied by Chief Supt. Getulio Napeñas, the sacked commander of the SAF, who claimed that the chief executive had knowledge of the operation,” ani Labog.
Samantala, iminungkahi rin ni University of the Philippines (UP) Prof. Clarita Carlos, na nagsilbi bilang pangulo ng National Defense College of the Philippines (NDCP), ang pagbibitiw ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa puwesto matapos niyang aminin na wala siyang alam sa ikinasang operasyon ng PNP-SAF.
“Kung ako si Mar Roxas, magre-resign ako. Bakit ang dami mong hindi alam? Kung meron ka pang respeto sa sarili mo, mag-resign ka kasi mukhang mayroong ibang gumagalaw at iba ‘yung namamahala, nakikialam d’yan sa PNP,” ayon kay Carlos.
Dapat din aniyang imbestigahan ang suspendidong hepe ng PNP na si Director General Alan Purisima na itinuturong nagmando ng operasyon ng PNP-SAF laban kina Marwan at Basit.