Sa layuning patuloy na paunlarin at patatagin ang wikang Filipino, ipinagdiwang ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang araw ng kilalang manunulat ng panitikang Filipino na si Julian Cruz Balmaseda at naggawad ng parangal sa kanyang pangalan.

Para sa Araw ni Julian Cruz Balmaseda, ipinalabas sa Kapihang Wika, na ginanap sa University of the Philippines-Diliman kamakailan, ang isang dokumentaryo tungkol sa buhay at mga naiambag ng itinuturing na isa sa mga haligi ng panitikang Pilipino na si Balmaseda. Siya ay isang makata, mandudula, kuwentista, mangangatha, nobelista at mananaliksik ng wika.

Pinagbasehan sa pagsusuri sa tesis at disertasyon ng mga lumahok na manunulat o propesor, nagwagi ng natatanging Gawad Julian Cruz Balmaseda si Marlon S. Delupio, mula sa De La Salle University para sa kanyang Disertasyon sa PhD. Nagtapos siya sa UP-Diliman at ang kanyang tesis ay tungkol sa Kasaysayang Pangkalinangan ng Isang Kilusang Panlipunan noong 1930-1938.

Nagkamit si Delupio ng plake ng pagkilala, P100,000 cash at pagkakataong mailathala ang kanyang mga nagawa sa “KWF Aklat ng Bayan”.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Binigyang-diin ang Filipino bilang wika ng dangal at kaunlaran, inilahad din ng KWF sa nasabing pulong ang mga proyekto nito noong nakaraang taon at ang ilang nakaplanong proyekto para sa 2015.

Kabilang sa mga proyektong ito ang Ugsad ng Literatura sa Bisayas, Forum sa Pagsasalin at Bangsamoro Basic Law, Gramatika ng Filipino bilang Pambansang Lingua Franca. May programa rin na pinamagatang Magkuwento Tayo, at ang Araw ni Julian Cruz Balmaseda tampok ang Gawad Julian Cruz Balmaseda.

Ilan pa sa mga proyektong iniulat ay ang Araw ni Balagtas 2015, na pagsasabuhay at pagdiriwang ng ika-227 anibersaryo ni Francisco “Balagtas” Baltazar; Ang Gawad Dangal ni Balagtas, Talaang Ginto (Makata ng Taon); Timpalak Uswag Darepdep para sa kabataang manunulat na gumagawa ng tula, dula, sanaysay, kuwentong Ilokano, Bikol, Sebwano, at Meranaw; at Kumperensiya sa Pagpaplano ng Wika sa Agosto 5-7, 2015.