Nakapuwersa ng 1-1 draw ang De La Salle University (DLSU) sa kanilang mahigpit na karibal na Ateneo de Manila University (ADMU) upang makisalo sa liderato ng UAAP Season 77 men’s football tournament sa FEU-Diliman pitch.
Nakuhang palusutin ni Yoshiharu Koizumi ang isang goal mula sa pag-aagawan nila ng iba pang mga defender matapos ang isang free kick ni Greggy Yang sa 74th minute para makaiskor ang Green Booters at tumabla sa Blue Eagles na naunang naka-goal sa pamamagitan ni Julian Roxas sa 55th minute.
Sa iba pang resulta, sa mga larong ginanap sa Moro Lorenzo Football Field, tinalo ng University of the Philippines (UP) ang National University (NU), 1-0, sa pamamagitan ni Jinggoy Valmayor na nagposte ng isang goal sa 66th minute.
Dinurog naman ng defending champion Far Eastern University (FEU) ang Adamson University, 6-0, na panamunuan ni Eric Giganto.
Dahil sa panalo, mayroon na ngayong 20 puntos ang Fighting Maroons upang manatiling nangingibabaw kasalo ang Green Booters, habang nakasunod naman sa kanila ang BLue Eagles na may 18 puntos.
Nasa ikaapat naman ang Tamaraws na may 17 puntos, lamang ng tatlo sa Bulldogs na nasa ikalima sa hawak nitong 14 puntos.
Nagwagi naman ang University of Santo Tomas (UST) kontra sa University of the East (UE), 3-0, upang makatipon ng 12 puntos at panatilihing buhay ang tsansang umabot pa sa semifinals.
Samantala, sa kababaihan, nagtabla naman ang title holder na FEU at ang La Salle, 1-1, kung saan ay nagpanatili ng Lady Tams ang liderato ma taglay ang 13 puntos kasunod ng UP na nakapuwersa din ng draw kontra Ateneo, 1-1, para mailista ang 10 puntos.