DAVAO CITY – Naglabas ang Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ng babala sa mga residente sa Area of Responsibility (AOR) nito kaugnay ng kumakalat na mga text message tungkol sa mga bomb threat na umano’y pakana mismo ng militar.
“Walang katotohanan na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Intelligence ang nagpapakalat ng bomb threats,” saad sa pahayag ng EastMinCom.
Sa nakalipas na dalawang araw ay kumalat sa maraming bahagi ng Mindanao ang mga text message ng bomb threat na sinasabing nagmula sa intelligence community at sa AFP.
Target ng nasabing mga text message ang mga pangunahing siyudad at lalawigan sa Mindanao.
Sinabi ng EastMinCom na ang kumakalat na mga text message “are meant to cause undue panic and scare to the public.”
Noong nakaraang linggo, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) sa Davao at ng 10th Infantry Division ng Philippine Army sa mga residente sa lugar na sinisikap ng awtoridad na maprotektahan ang seguridad ng rehiyon at masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.