KALIBO, Aklan - Nababahala ang Barangay Council ng Pook, Kalibo sa patuloy na kapalpakan sa ipinatutupad na seguridad sa Kalibo International Airport (KIA).
Base sa report ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) may isa na namang sibilyan ang nakapasok sa runway ng nasabing airport noong Sabado ng madaling araw.
Kamakailan lang, isang pasahero mula sa Patnongon, Antique ang nakapasok sa KIA at nakabiyahe patungong Incheon, South Korea kahit walang pasaporte, ticket at pera.
Ayon kay Barangay Pook Chairman Ronald Marte, kasama siya sa Aviation Council at sinabi niyang nababahala ang mga residente ng kanilang barangay sa problema sa seguridad ng nasabing airport.
Sa kasalukuyan ay patuloy na nag-iimbestiga ang CAAP sa magkasunod na insidente ng security breach sa KIA.