Bago pa maramdaman ng masang Pilipino ang pagbaba ng pandaigdigang presyo ng petrolyo, ang Kamara de Representantes, sa pag-uudyok ng World Bank, ay naglalayong dagdagan ang excise tax sa petrolyo pati na ang value-added tax (VAT) sa oil product sales.

Simula nang bumaba ang pandaigdigang presyo ng petrolyo sa buong mundo noong Hunyo ng nakaraang taon, ibinaba rin ng mga kumpanya ng langis sa bansa ang kanilang presyo. Agad na nabiyayaan dito ang mga may-ari ng pribadong sasakyan at mga operator ng public utility vehicles. Nagbaba rin ng pasahe ang mga operator ng bus, jeepney, at taxi.

Ang mababang presyo ng krudo ay inaasahang tutuloy sa pagbaba rin ng presyo ng mga pangunahing bilihin na ibinibiyahe mula sa mga lalawigan, ngunit wala namang nangyaring pagbaba ng presyo sa mga produktong pagkain. Sa bahagi naman ng pamasahe, ang mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) ay kailangang magbayad ng dagdag na pasahe na ipinatupad noong nakaraang buwan.

Darating ang panahon na ang pagbaba ng pandaigdigang presyo ng langis ay kailangang magkaroon ng kapaki-pakinabang na epekto sa mga ekonomiya sa halos lahat ng bansa, kabilang ang Pilipinas. Inaasahan na tutuloy ito sa pagbaba ng presyo ng elektrisidad sa ating bansa, ang nag-iisang pinakamalaking balakid sa mga investment sa manufacturing at iba pang negosyong matakaw sa enerhiya.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ngunit ngayon, kumikilos nang mabilis ang Kamara upang mabawi ng naiwala ng gobyerno sa excise o import taxes sa langis, na sinabi nito na umaabot ngayon sa halagang P120 bilyon, pati na rin sa VAT na nagkakahalaga ng P20 hanggang P30 bilyon. Nais nitong mabawi ang mga pagkaluging ito, sinabi na ang mga halagang ito ay kailangan para sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.

Kung matatamasa lamang ng karaniwang mamamayan ng bansa ang mga biyaya ng mababang presyo ng krudo nang mas matagal, kailangang huminto ng Kamara sa agarang pagdadagdag ng anumang buwis. Gayunman, wala namang katiyakan na ang mga buwis sa petrolyo ay sisirit uli. Para mangyari ito, mangangailangan ito ng isang major producer tulad ng Saudi Arabia na magpahayag ng paghihigpit sa produksiyon at agad na tatalima ang pandaigdigang presyo bilang paghahanda sa mangyayaring shortage sa hinaharap.