Kabuuang 275 atleta ang nakuwalipika sa pambansang delegasyon matapos na magsipasa sa itinakdang criteria ng Team Philippines Southeast Asian Games Management Committee para sa paglahok sa 28th SEA Games na gaganapin sa Singapore sa Hunyo 5 hanggang 16.
Ito ang sinabi ni Team Philippines Chef de Mission Julian Camacho makaraan ang huling pakikipagpulong sa 33 national sports associations (NSAs) na lalahok sa paglalabanang 36 sports sa kada dalawang taong torneo.
“We are still waiting for the composition of the volleyball team. We don’t know yet kung magpapadala sila ng men’s at women’s team. At least four na lamang ang hinihintay at ipapasa na ang listahan sa SINGSOC,” sinabi ni Camacho.
Ang 33 NSAs ay kinabibilangan ng mga ng mga atletang nakapag-uwi ng medalya sa nakalipas na Myanmar SEA Games, nagwagi sa internasyonal na torneo at mga miyembro ng national pool na nakapagpakita ng kanilang kakayahan na magtagumpay at magbulsa ng mga medalya.
“Hindi lalampas sa 350 atleta ang delegation,” pahayag ni Camacho na muling ipinahayag ang deadline para isumite ng mga NSA ang kanilang irerekomendang atleta sa Task Force sa Marso 1.
Maliban sa volleyball, kung saan ay kinilala ng Philippine Olympic Committee (POC) ang bagong miyembro na Larong Volleyball sa Pilipinas, (LVP), hindi pa rin nakapagssuumite ng kanilang listahan ang squash, equestrian na pinamumunuan ni POC president Jose Cojuangco Jr. at ang fencing ni Richard Gomez.
Magsasagawa uli ng pulong ang ManCom bukas kung saan ay ipapaliwanag ng mga opisyal ang huling paghahanda ng pambansang delegasyon at maging ang sistematikong preparasyon ng SEA Games Task Force para sa aktuwal na pagsabak ng delegasyon.
Asam ng Pilipinas na makaangat sa pinakamababang kampanya nakamit sa huling paglahok sa pangrehiyong torneo kung saan ay nakapagposte lamang ang bansa ng kabuuang 24 ginto, 34 pilak at 38 tanso para sa 101 medalya sa pagsabak sa 167 events sa 26 na sports.