poisonous jewelry

Ilang charm bracelets at pendants na hugis-puso na kalimitang ginagamit na panregalo sa mga mahal sa buhay tuwing Valentine’s Day ang maaaring maghatid ng peligro sa pagbibigyan nito dahil sa taglay nitong mataas na antas ng nakalalasong kemikal.

Ayon sa EcoWaste Coalition, isang environmental at health watchdog, natukoy nila na ang ilang mumurahing heart-fashioned metal pendant ay may mataas na level ng cadmium.

Nabatid na nagsagawa ang grupo ng pagsusuri sa mga alahas matapos na i-withdraw ng Sweden mula sa merkado ang 17 uri ng imported na jewelry noong Enero dahil sa paglabag sa limit para sa cadmium (0.01%) at lead (0.05%) levels sa mga alahas.

National

Chile, niyanig ng magnitude 7.4 na lindol; Pinas, walang banta ng tsunami

Kaagad namang bumili ng 12 uri ng bracelet ang EcoWaste mula sa mga fashion jewelry vendor sa Divisoria at Quiapo, at nasa P40-P150 ang halaga ng mga ito.

Nang suriin ay natuklasang walo sa mga ito ang nagtataglay ng cadmium (nasa 15%-32%) at lead (3.5%-36%).

Ayon kay Thony Dizon, coordinator ng Project Protect ng EcoWaste, natukoy nila ang cadmium at lead sa mga heart-shaped pendant, na kadalasang ipinangreregalo tuwing Valentine’s Day.

Ang cadmium ay itinuturing na mapanganib kung malulunok, masisinghot o madidikit sa balat habang ang lead naman ay delikado sa kalusugan ng tao, maging sa kalikasan.

Ginagamit ang mga ito sa paggawa ng mga alahas bilang bahagi ng metal alloys, solder, pigment o stabilizer ng mga non-metal components.