DAHIL sa patuloy na sobrang mataas na ratings ay extended ang seryeng Two Wives hanggang Marso. Ito ang tsika sa amin ni Erich Gonzales, ang isa sa mga bida ng primetime series.
Kaya masayang-masaya si Erich, hindi lang dahil sa mga papuring natatanggap niya kundi pati na sa pagkakaroon ng loyal viewers na hindi bumibitaw sa pagsubaybay sa teleserye nila.
Pero kung may mga papuri siyang natatanggap, aware si Erich na may mga tao ring nagagalit sa kanya dahil sa ginagampanan niyang papel sa Two Wives.
“Hindi naman tayo dapat maapektuhan sa bagay na ‘yan. Kumbaga, kahit sabihin pa na hanggang ngayon medyo nabaligtad na ang roles namin ni Kaye Abad, still ang dating pa rin sa kanila, eh, isa akong kabit,” sabi pa ng lalong gumagandang si Erich.
Kahit may mga nagagalit at kung anu-ano ang natatanggap niyang hindi magandang pananalita, walang problema sa kanya.
“Okey lang, hindi naman ako affected. I know naman na it’s just a role-playing at hindi naman ako mismo ‘yung tinitingnan nila. ‘Yung role ko lang naman as Janine, so, okey lang ‘yun sa akin,” napatawang banggit pa ng dalaga.
Ibig sabihin, effective ang pagkaganap niya kaya nadadala ang mga manonood at nagagalit sa kanya.
“Ganoon naman talaga, minsan naaapektuhan sila sa napapanood nila,” banggit ng aktres.
Bilang Janine ay naging other woman si Erich bago naging legal wife ni Jason Abalos. Pero hindi raw naman dapat na basta na lang husgahan ang papel na ginagampanan niya dahil may pinagdadaanan ito na hindi pinagdadaanan ng lahat.
In real life, hinihintay ng kanyang fans kung kailan naman siya mai-engage. So, kung magkakatuluyan silang dalawa ng businessman boyfriend niya ay siguradong legal wife naman siya sa totoong buhay, huh!