Hindi ininda ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang pagod at puyat nang pulungin niya ang pamilya ng mga nasawing tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ng halos 13 oras matapos ang necrological service sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City noong Biyernes.
“Simula nang dumating ang Pangulo doon ng ika-10 ng umaga, hindi na po siya umalis doon sa Camp Bagong Diwa hanggang halos mag-a-ala una ng umaga kinabukasan,” pahayag ni Coloma.
Ayon sa opisyal, tiniyak ng Pangulo sa pamilya ng mga nasawing pulis na ginagawa ng gobyerno ang lahat upang mapalakas ang kakayahan ng SAF bilang elite force ng PNP.
Ayon kay Coloma, nakausap din ni Aquino ang dalawa sa mga naulilang pamilya isang oras bago ang kanyang talumpati sa Multi-Purpose Center ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sinabi pa ni Coloma na inisa-isa ni PNoy ang bawat pamilyang naulila ng mga napatay na pulis mula 12:30 ng tanghali noong Biyernes hanggang 12:30 ng umaga kahapon.
“Pinakinggan niya ang kanilang saloobin,” ayon sa kalihim. “Tugon ng Pangulo, ginagawa at gagawin pa ng pamahalaan ang lahat ng nararapat upang makamit ang hustisya; una, sa pamamagitan ng patuloy na pagtugis kay Usman at lahat pa ng mga terror suspects na lumikha at lumilikha ng panganib at ligalig sa bansa; at ikalawa, sa pagpapanagot sa mga responsable sa pagtambang at pagpaslang sa mga tropa ng PNP-SAF na nagsasagawa ng law enforcement operations sa Mamasapano, Maguindanao.
“Sa kabuuan, nagkaroon ng unawaan ang mga pamilya at ang Pangulo hinggil sa pangangailangan na maging matatag sila para mabigyan ng buong kahulugan ang kabayanihan ng kanilang mga anak, asawa, o kapatid,” ani Coloma.
Matatandaang inisnab ng ilang misis ng mga napatay na commando ang Medalya ng Katapangan na ibinigay ni Pangulong Aquino sa necrological service kasabay ng panawagan sa gobyerno na tiyakin na makakamit ang hustisya para sa kani-kanilang mahal sa buhay.
Inulan din ng batikos si PNoy sa mga social networking site nang hindi ito sumipot sa arrival honors na iginawad sa mga napatay na pulis nang dumating ang mga labi ng mga ito sa Villamor Airbase noong Huwebes ng umaga.