Pinababakante ng Philippine Sports Commission (PSC) ang ginagamit na opisina ng Philippine Volleyball Federation (PVF) matapos na kilalanin ng internasyonal na pederasyon ang bagong itinatag na Larong Volleyball ng Pilipinas (LVP) ng Philippine Olympic Committee (POC).

Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia na wala silang magagawa kundi ipasara at ipadlock ang opisina ng PVF sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex base na rin sa ipinasusunod na kautusan ng ahensiya na tanging lehitimo at accredited na national sports associations (NSA’s) lamang ang may karapatang gamitin ang pasilidad.

“They (PVF) don’t have the POC recognition,” sinabi ni Garcia. “Mahigpit na ipinagbabawal sa ating batas ang paggamit ng pasilidad na ‘di lehitimong miyembro dahil kami ang makakasuhan kung hindi namin ipatutupad ang ito. Our facilities are good for accredited NSA’s only.”

Tuluyang naitsapuwera ang PVF matapos maglabas ng pahayag ang International Volleyball Federation (FIVB) kay POC President Jose Cojungco Jr. na nagbibigay ng probationary recognition sa bagong tatag na Larong Volleyball ng Pilipinas (LVP) na kinikilala nito bilang miyembro sa Pilipinas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Mismong si FIVB President Ary Graca ang sumulat sa POC para ipaalam ang kaganapan kung saan magiging opisyal ang pagkilala sa LVP kung maisasakatuparan ang isang eleksiyon sa Pebrero 15.

Tanging mga NSA na miyembro ng POC at international federation lamang ang maaring suportahan ng PSC mula sa pagbibigay ng allowance, matitirhan at pagbibigay ng tanggapan sa NSA sa pasilidad ng ahensiya.

Pamumunuan naman ni POC 1st Vice-President Jose Romasanta ang LVP bilang incorporators kasama sina POC 2nd VP Jeff Tamayo, POC Legal Counsel Atty. Ramon Malinao, POC consultant Chippy Espiritu at Shakey’s V-League President Ricky Palou.

Apat na iba pa ang hinihintay na makakasama sa pamunuan na inaasahang magmumula sa Philippine Super Liga, University Athletic Association of the Philippines (UAAP), National Collegiate Athletic Association (NCAA) at Shakey’s V-League.

Kasalukuyan naman kinakausap ng pamunuan ng LVP ang piling manlalaro para sa pagbuo ng pinakamakalas na koponan na isasabak nila sa dalawang malaking kompetisyon na sasalihan ng bansa.

Pangunahin dito ang isasagawang Asian U23 Women’s Volleyball Championship sa Mayo 1 hanggang 9 sa bansa at ang kada dalawang taong ika-28 edisyon ng Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo 5-16.