Hindi nababahala si National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Virgilio Mendez sa inihaing kaso laban sa kanya ng mga tinaguriang “Bilibid King” ng New Bilibid Prison (NBP) matapos ipagbawal ng awtoridad ang pagdalaw ng mga kaanak ng bilanggo bunsod ng pagkakaungkat ng anomalya sa pasilidad.
Sa text message, pinabulaanan ni Mendez ang paratang na nilabag niya ang karapatan ng 20 bilanggo nang ilipat ang mga ito sa NBI detention facility matapos madiskubre ang mga kontrabando sa kanilang selda sa NBP noong Disyembre 15, 2014.
Base sa mga ebidensiyang nakalap ng NBI, nabuking din ang operasyon mula sa selda ng ilan sa 20 “Bilibid King” na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Ito ay bilang reaksiyon ni Mendez sa paghahain ng kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman laban sa kanya ng apat sa 20 bilanggong inilipat sa NBI detention center. Kabilang din sa kinasuhan sina Justice Secretary Leila de Lima at NBI Security Management Office Chief Ramon Alba.
“We have records of the visitations to prove it. Based on newspaper accounts, Atty. [Ferdinand] Topacio even admitted having visited his clients in the NBI detention,” pahayag ni Mendez.
Binigyang-diin ng NBI chief na handa siyang harapin ang mga kasong inihain laban sa kanya.
Kabilang sa apat na naghain ng kaso sina Noel Martinez, Willy Sy, Michael Ong at German Agojo.
Giit ni Ferdinando Topacio, abogado ng apat, nilabag ng NBI ang karapatan ng kanyang mga kliyente nang ilipat ang mga ito sa NBI nang hindi pinapayagan ang dalaw ng kanilang pamilya.