Iniulit ni Las Piñas City Mayor Vergel ‘Nene’ Aguilar ang apela niya sa mga negosyante at property owners sa lungsod na magbayad ng tama at eksaktong buwis, iginiit na walang bago o karagdagang bayarin na ipapataw sa pagpapalawig ng deadline ng pagbabayad sa Pebrero 27, 2015.

Ang pagpapalawig sa deadline para sa renewal ng mga permit at pagbabayad ng buwis ay kaakibat ng pagpapatibay ng bagong sistema sa Business Permit and License Office (BPLO) para sa mas episyenteng koleksiyon at tamang pagtataya ng mga kaukulang bayarin.

Ang bagong deadline para sa paghahain ng business permits application ay hanggang 5:00 ng hapon ng Pebrero 15, 2015; habang ang pagbabayad ng mga permit at lisensiya, buwis, at iba pang katulad na commercial and industrial fees at charges ay sa Pebrero 27 na walang surcharges o penalty.

Layunin din ng bagong sistema na mahikayat ang delinquent taxpayers at paganahin ang mga negosyo na gawing legal ang kanilang operasyon.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Hiniling din ng alkade ang pasensiya at kooperasyon ng publiko kung makararanas sila ng mga pagbabago sa pagpoproseso ng kanilang mga transaksiyon dahil sa bagong sistema.

Ang panawagan ng alkalde ay kasabay ng paglalahad niya sa mga plano at programa para sa 2015 at pagtitiyak sa tuluy-tuloy at malawak na pagbibigay ng pangunahing serbisyo at infrastructure developments.

Gayunman, ang taunang kita ng lungsod na P1.7-bilyon ay halos hindi sapat sa mga kinakailangan upang masuportahan ang mga programang ito.

Ngunit kumpiyansa si Aguilar na sa pamamagitan ng episyenteng koleksiyon kasama ang kooperasyon ng taxpayers ay magagawa ng lungsod na maipagpatuloy ang mga programa at serbisyo na walang ipapatupad na bago o karagdagang buwis.