CHARO Santos-Concio

PINARANGALAN kamakailan si ABS-CBN President at Chief Executive Officer Charo Santos-Concio ng Fleur-de-lis Award, ang pinakamataas na pagkilala para sa mga natatanging alumni ng St. Paul University Manila.

Pahayag ng pangulo ng St. Paul University Manila na si Sister Ma. Evangeline Anastacio, binigyan ng parangal si Charo dahil sa kanyang tagumpay at malaking kontribusyon sa larangan ng telebisyon at walang maliw na suporta sa kanyang alma mater.

“Inspirasyon si Charo para sa mga kapwa niya Paulinian dahil sa hindi matatawaran niyang kahusayan sa kanyang larangan at ang dedikasyong lumikha ng mas makabuluhang mga drama at public service program sa telebisyon,” sabi ni Sis. Evangeline.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Nagtapos si Charo ng kursong communication arts, cum laude, sa St. Paul University Manila.

Sabi ni Charo, habang nag-aaral siya noon sa St. Paul ay isinasabay niya ang pagtatrabaho bilang part-time na voice talent at host sa isang noontime show sa radyo.

“Kailanman ay hindi nawala ang pagmamahal ko sa media. Noong nag-aaral ako, naisip kong kaya kong maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng media,” aniya. “Sa ABS-CBN, ginagawa ko ang mahal kong gawin — ang magbahagi ng mga kuwentong nagbibigay sa mga tao ng inspirasyon, kaalaman at pag-asa.”

Last year, pinagkalooban din si Charo ng tatlong international awards dahil sa kanyang epektibong pamamahala bilang president at CEO ng pinakamalaking multimedia conglomerate sa bansa.

Iginawad sa kanya ang Gold Stevie Award sa kategoryang Female Executive of the Year in Asia, Australia or New Zealand sa prestihiyosong Stevie Awards for Women in Business; Gold Stevie Award para sa Woman of the Year category para sa lahat ng mga bansa sa Asia-Pacific (maliban sa Australia at South Korea) sa 2014 Asia-Pacific Stevie Awards; at hinirang din siyang Asian Media Woman of the Year ng ContentAsia, isang nangungunang publication na pinagkukunan ng mahahalagang impormasyon tungkol sa entertainment media industry sa buong Asia-Pacific.

 Itinalagang CEO ng ABS-CBN si Charo noong Enero 2013. Nagsilbi siya bilang president at chief operating officer mula 2008. Naging head of Channel 2 Mega Manila Management si Charo noong 2007 at kumuha ng Advanced Management Program sa Harvard Business School nang taong iyon.

Kilala si Charo bilang host ng longest-running drama anthology ng ABS-CBN na Maalaala Mo Kaya. Nagsimula siya sa ABS-CBN bilang TV production consultant noong 1987 matapos maging line producer sa BanCom, Audiovision, Vanguard Films, Regal Films, and Vision Exponents. Nagsilbi rin siyang film production manager sa Experimental Cinema of the Philippines.