Nanatiling namumuno ang Adamson at ang nakaraang taong finalist na Ateneo matapos na manaig sa kanilang mga dating kasalo sa liderato sa pagpapatuloy kahapon ng second round ng UAAP Season 77 volleyball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Ginapi ng Falcons ang University of Santo Tomas (UST), 23-25, 25-20, 25-20, 25-17, para makamit ang ikawalong panalo sa sampung mga laro habang pinataob naman ng Blue Eagles ang defending champion na National University (NU) Bulldogs, 25-20, 25-16, 25-27, 25-16.

Nagposte ng game high 26 puntos, na kinabibilangan ng 18 hits at 7 blocks, ang reigning MVP na si Marck Espejo para pamunuan ang panalo ng Blue Eagles na napanatili ang kanilang pamumuno sa men`s division.

Nag-ambag naman ng 16 puntos ang kakamping si Wilson Marasigan habang mag-isa namang tumapos na may double digit para sa Bulldogs si Edwin Tolentino na umiskor ng 12 puntos.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pinangunahan naman ni Bryan Saraza ang ikalawang sunod na panalo ng Falcons kontra sa Tigers, sa kanyang itinalang 17 punos na kinabibilangan ng 11 hits, 5 blocks at 1 ace.

Sa kabilang panig, nauwi naman sa wala ang ipinosteng 23 puntos ni Mark Gil Alfafara makaraang ilaglag ng Tigers sa ikatlong kabiguan sa loob ng pitong laro kapantay ang Bulldogs sa ikalawang puwesto.