Ang kapistahan ni St. John Bosco, na mas kilala sa tawag na “Don (ama) Bosco”, ang founder ng Salesian Society, ay ngayong Enero 31. Isa siya sa mga founder ng Institute of the Daughters of Mary, Help of Christians, isang kongregasyon ng mga madre na nakatalagang mangalaga at magturo sa mga dukhang batang babae. Isinulat ni Don Bosco, ang patron ng kabataan, ng mga editor at publisher: “Frequent confession, frequent communion, daily mass – these are the pillars which should sustain the whole edifice of education.”

Ang debosyon kay Don Bosco ay laganap sa Pilipinas. Isang popular na institusyon ng karunungan, ang Don Bosco Technical Institute, at isang simbahan sa Makati City ay ipinangalan sa kanya. Ang kanyang mga estatwa ay nasa eskuwelahan sa Makati at sa St. John Bosco diocesan shrine ng Mary, Help of Christians sa Canlubang, Laguna.

Isinilang na Giovanni Melchiorre Bosco noong Agosto 16, 1815, sa Becchi, Castelnuovo d’Asti, Italy, ang kanyang mga magulang ay maralitang magsasaka. Namatay ang kanyang ama noong dalawang taon pa lamang siya; ang kanyang ina ang nagpalaki sa kanya na tigib sa pagmamahal at tinulungan siyang makamit ang kanyang pangarap na maging pari. Noong 1841, nagtungo siya sa Turin bilang kabataang pari, at nakita niya ang isang walang hanapbuhay, walang tahanang kabataan palabuy-laboy sa lungsod na naghahanap ng trabaho. Pagkalipas ng tatlong araw, nagsama siya ng siyam na kaibigan at pagkaraan ng tatlong buwan, 25 na sila. Pagsapit ng 1842 mayroon nang 80 kabataang lalaki, at pagsapit ng 1850 mayroon nang 150. Tinipon sila ni Don Bosco at tinuruan sila ng iba’t ibang larangan ng hanapbuhay. Doon nagsimula ang Oratory, ang taguri dahil itinampok dito ang pananalangin.

Sinimulan niya ang kanyang religious order na tinawag na Salesians na halaw kay St. Francis de Sales. At pagkatapos, nagtatag siya ng order of Salesian sisters. Opisyal na kinilala ang Salesian Society noong Enero 20, 1854. Noong Marso 1864, ang basilika ng Mary, Help of Christians ay itinayo sa Valdocco. Pagkalipas ng walong taon, nagtayo siya ng isa pang Marian shrine, ang Daughters of Mary, Help of Christians. Noong Nobyembre 1875, ang unang sampung Salesian ay nagmisyon sa South America. Naglimbag siya ng Salesian Bulletin na nagpapatuloy magpahanggang ngayon sa 30 lengguwahe. Ang kanyang network ng mga organisasyon ang nagpapatuloy ng kanyang mga gawain. Ngayon, nananalangin at nagtuturo ang mga Salesian sa kabataan tungkol sa pag-ibig ng Diyos sa halos lahat ng bansa; may Sunday schools, evening adult schools, mga paaralan para sa magpapari, technical schools; nangangalaga ng mga may sakit, naglilingkod sa mga bilangguan, bumibisita sa mga ospital at asylums; at nagtatayo ng mga printing house.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Nang pumanaw si Don Bosco noong Enero 31, 1888, ang mga taga-Turin ay nagtungo sa mga kalye upang parangalan siya. Idineklara siyang Venerable ni Pope Pius X noong Hulyo 21, 1907. Na-beatify siya ni Pope Pius XI noong Hunyo 2, 1929, at na-canonize noong Abril 1, 1934.