PAKIKILIGIN ng unang pagtatambal nina Angelica Panganiban at JM de Guzman ang mga manonood sa kanilang pre-Valentine treat. Inaasahang dadamdamin at nanamnamin ang kakiligan at mga “hugot” na eksena sa pagpapalabas sa mainstream cinema ng That Thing Called Tadhana.

Ipapalabas na ito sa lahat ng mga sinehan sa buong Pilipinas sa Pebrero 4.

Matagumpay na binudburan ang pelikula ng Pinoy na Pinoy na lasa ng direktor at manunulat nito na si Antoinette Jadaone, na siya ring nagdirehe ng Beauty In A Bottle at Relaks, It’s Just Pag-ibig.

Feel na feel naman ng dalawang bida ang tema ng pelikula na umiikot sa tanong na: where do broken hearts go? Matatandaang galing sa magkaibang hiwalayan sina Angelica (kay Derek Ramsay) at JM (kay Jessy Mendiola) kaya humarap na sila sa mga naging bunga ng kasawian nila sa pag-ibig. Matapos umani ng mga positibong reaksiyon mula sa mga nanoood sa 10th Cinema One Originals Film Festival, napagdesisyunan ng Star Cinema na i-distribute ang That Thing Called Tadhana sa buong bansa.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Mapapanood sa That Thing Called Tadhana ang hindi inaasahang pagtatagpo ng landas nina Mace (Angelica) at Anthony (JM). Parehong bitter at sawi sa pag-ibig ang dalawa nang magkakilala sa paliparan sa Europa. Magkakapalagayan ng loob ang dalawa at sabay silang pupunta sa Maynila, Baguio, at Sagada para hanapin ang sagot at tatangkain nilang itaas ang level ang kanilang friendship at paghilumin ang puso ng isa’t isa.

Tamang-tama sa panlasa ng mga Pinoy ang pelikulang nagbigay ng dalawang Best Actress trophy kay Angelica mula sa GAWAD Tanglaw at sa 2014 Cinema One Originals Film Festival dahil sa makatotohanang pagganap niya sa karakter ni Mace. Timplado ang romansa at komedya sa pelikula na punumpuno ng mga simple at makatotohanan ngunit nakakatawa at magpapaluhang linya sa mga manonood. Katunayan, naka-relate sina Angelica at JM sa kanilang linya kaya epektibo ang That Thing Called Tadhana sa mga manonood.

Bagay ang istorya sa mga bitter sa pag-ibig na naghahanap ng sagot para maka-move-on at sa mga naghahanap ng tunay na pag-ibig. Nakakatuwa ang mga eksena habang hinahanap nina Mace at Anthony ang kanilang nawawalang puso sa pag-asang hihilom ito.

Lasapin ang matamis-mapait na romantic-comedy film. Saan nga ba pumupunta ang sawing mga puso? Alamin sa That Thing Called Tadhana.