Hindi tinanggap ng maybahay ng ilang police commando na napatay sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao, ang PNP Medalya ng Katapangan na ipinagkaloob ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa kanyang pagdalo sa necrological service sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, kahapon ng umaga.
Ito ay sa kabila ng ipinangakong hustisya ni Pangulong Aquino para sa 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na nasawi sa pakikipagbakbakan sa mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Mamasapano noong Enero 25.
Pasado 10:00 ng umaga dumating si Aquino sa necrological site at nagbigay ng kanyang mensahe sa mga kaanak, miyembro ng PNP at sa mga nakaligtas na SAF member na dumalo sa seremonya.
Ibinahagi ng Pangulo ang kanyang naging damdamin noong pinaslang ang kanyang ama at dating Senador Ninoy Aquino sa tarmac sa Villamor Air Base na aniya’y sa halip na luha ay galit ang kanyang naramdaman.
Samantala, batid ng mga kaanak ng mga napaslang na pulis ang sama ng loob kay Aquino sa sinapit ng kanilang mahal sa buhay. Kabilang dito si Rachel Sumbilla, maybahay ni PO3 John Lloyd Sumbilla, na kabilang sa mga napatay sa insidente.
Unang binatikos ng publiko ang hindi pagdalo ni Aquino sa pagbibigay-pugay sa mga nasawing SAF member sa Villamor Air Base nitong Huwebes, dahil dumalo ang Presidente sa inagurasyon ng isang planta sa Laguna.
Samantala, dadalhin ang mga labi ng SAF members sa kani-kanilang probinsiya pagkatapos ng necrological service sa Camp Bagong Diwa.
Matatandaang idineklara ng Palasyo ang Enero 31 bilang National Day of Mourning para sa pagluluksa at pakikidalamhati sa mga naulilang kaanak ng tinaguriang “Fallen 44.”