Upang maging kapaki-pakinabang ang limang araw na forced leave aking dalagang si Lorraine, nag-volunteer siya sa simbahang malapit sa amin. Kasama ng ilang teenager, magtuturo siya sa mga bata ng katekismo, sa tulong ng mga madre at ilang guro. Pinag-aralan ni Lorraine ang tema, istruktura, at pagkakaiba ng mga aklat ng Genesis.
Sa kuwento ni Lorraine sa akin, napansin niya na may dalawang teenager na volunteer na binuksan agad ang Aklat ni Job. Napag-alaman ni Lorraine na ang dalawang teenager na ito ay dati nang nag-volunteer sa isang government hospital na halos araw-araw na humaharap sa mga pasyenteng nagdurusa sa matitinding karamdaman. Marami nga masasabi ang mga ito tungkol sa paghihirap na tinitiis ng mga pasyente bunga ng pagkakasakit, na pinalala pa ng walang kakayahang makapagbayad sa serbisyo ng mga dalubhasa. Mabibigat nga ang tanong ng mga paslit sa dalawang teenager na ito tungkol sa papel ng Diyos sa pagdurusa ng tao.
Madalas nga na ang paliwanag sa pagdurusa ay kapareho ng sinabi ng tatlong kaibigan ni Job. Sinabi nina Elliphas, Bildad, at Zophar kay Job na dapat lamang magdusa siya dahil sa kanyang mga kasalanan. Ang isa pang kasama na si Elihu ay lumapit kay Job at nagsabi rin ng gayon.
Ang tunay na dahilan kung bakit nagdurusa si Job ay si Satanas – ang pinuno ng mga diyablo. Sinisikap ni Satanas na patalikurin si Job sa Diyos. Dahil hindi mapatalsik ni Satanas sa trono ang Diyos, nilalabanan niya ang Panginoon sa pamamagitan ng pag-atake sa Kanyang mga tagasunod. Nilalabanan ni Satanas ang Diyos sa pamamagitan ng pagbubulid sa atin sa kasalanan.
Isang dahilan kung bakit nagdurusa ay sapagkat bahagi ito ng mas malawak at mas maigting na pakikipaghimagsikan. Sa mga panahon ng pagsubok, may dalawa tayong pagpipilian: Ang magtiwala sa Diyos o ang tumalikod sa Kanya. Kung nagdurusa tayo nang may pagtitiwala sa Diyos, sinasangga natin ang mga atake ni Satanas at niluluwalhati natin ang Panginoon.
Kapag naroon na tayo sa sanga-sangang daan at hindi alam ang gagawin, ihinga natin ang ating suliranin sa Diyos na ating tanggulan.