Nananawagan ng kahinahunan at patuloy na pagsusulong ng kapayapaan sa Mindanao ang People’s Coalition for ARMM Reform and Transition (People’s-CART) sa gitna ng pagluluksa ng bansa at paghahangad ng hustisya sa pagpaslang sa 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa engkuwentro sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao nitong Enero 25, 2015.

Naka-engkuwentro ng PNP-SAF ang mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF)—na may kasunduang pangkapayapaan sa gobyerno.

Ang panawagan ay nilagdaan ni Dr. Pendatun A. Pangadel, chairman ng People’s-CART; at Edilberto Villareal, coordinator, bilang apela sa hanay ng International Monitoring Team (IMT) at Coordinating Commission on the Cessation of Hostilities (CCCH) na magsagawa ng isang kapani-paniwalang imbestigasyon sa nangyari.

MATINDING PAGLULUKSA

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Karamihan sa mga napatay na miyembro ng SAF ay nagmula sa Cordillera Administrative Region (CAR) at nitong Biyernes ng gabi ay bumuhos ang luha ng mga kamag-anak at mga kaibigan, maging ng mga kapwa pulis, sa pagsalubong sa 13 kasapi ng SAF na nagmula sa Police Regional Office-Cordillera sa Camp Bado Dangwa sa La Trinidad, Benguet.

Pinangunahan ni Chief Supt. Isagani Nerez, regional director, ang paggawad ngayong Sabado ng parangal sa 13 miyembro ng SAF bilang pagkilala sa kabayanihan at tapat na paglilingkod sa bansa.

Pagkatapos nito ay ihahatid na ang mga nasawi sa kani-kanilang bayan sa rehiyon.

“Napakasakit ang mawalan ng asawa, at mula sa kamay pa ng rebelde ko nalaman ang pagkamatay ng aking asawa,” ayon kay Emeliza, asawa ni PO2 Walner Danao, ng Barangay Irisan, Baguio City.

Sina Emeliza at Walner ay dalawang taon pa lamang na mag-asawa at may isang taong gulang na anak.

Sinabi ni Emeliza na nang tawagan niya ang kanyang mister sa cell phone noong Lunes (Enero 26) ay may sumagot na, “Sino ka, asawa ka o kabit? Ako ang kalaban, patay na silang lahat, ako si Bryan.”

Samanta, isinugod naman sa ospital ang ina ni Senior Insp. Gadnet Tabdi, ng Bgy. Buyagan, La Trinidad, Benguet, na si Edna Tabdi na hinimatay makaraang mabalitaan noong Lunes ng umaga na kabilang ang kanyang anak sa mga napatay sa engkuwentro sa Maguindanao.

Si Tabdi, 27, ay pitong taon na sa SAF at ikinasal lang nitong Oktubre 2014. Pitong buwan na ngayon ang ipinagbubuntis ng kanyang misis na naninirahan sa Zamboanga. Ikatlo siya sa anim na magkakapatid at apat sa kanila ay pulis.