CLEVELAND (AP)- Nakipagkita si LeBron James sa Cavaliers team doctors kahapon upang desisyunan kung siya ba ay pwedeng makapaglaro makaraan na ‘di nakita sa aksiyon sanhi ng sprained right wrist.

Naging madali naman ang desisyon.

‘’They said it was my call and obviously you guys know what my call is,’’ pahayag ni James matapos na magposte ng 19 puntos para sa ikasiyam na sunod na panalo ng Cleveland, 101-90, kontra sa sumasadsad na Sacramento.

Inamin ni James na ang kanyang wrist ay ‘di pa 100 percent, subalit naisakatuparan nito ang limang sunod na buslo sa second half habang may kumbinasyon sina Kevin Love at Kyrie Irving ng 44 puntos para sa namamayagpag na Cavaliers.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

‘’It was a little sore, obviously, being in live action, but it was good,’’ saad ni James.

Hindi nakapaglaro si James noong Huwebes laban sa Portland subalit nagbalik na mayroong 7-for-16 mula sa field at nagtala ng anim na turnovers sa 33 minutong paglalaro. Ang kanyang limang sunod na buslo, kasama na ang 3-pointer at isang dunk mula sa behind-the-back dribble, ang nagdala sa Cleveland upang makalayo na sa kaagahan ng fourth quarter.

Nilagyan ng team trainer ng brace ang wrist ni James sa third quarter at ‘di na niya ito hinubad.

Napinsala si James nang siya’y matinding bumagsak sa sahig noong Miyerkules kontra sa Detroit subalit nakabalik din at tumapos na mayroong 32 puntos.

‘’There was no way I could have played Wednesday. My wrist was too stiff, too tight. I couldn’t get much rotation on it,’’ pahayag ni James.

Sinabi ni James na sumailalim siya sa treatment (buong araw) noong Biyernes at napansin niya na bumuti na ang kanyang wrist kahapon matapos ang shootaround.

‘’Tonight was a matter of him saying I feel good enough to go, I want to go and allowing him to play,’’ pahayag ni Cavaliers coach David Blatt. ‘’And I’m glad we did because we needed him tonight.’’

Pinamunuan ni Love ang Cleveland na taglay ang 23 puntos, kabilang na ang 16 sa unang quarter, habang si Irving, umiskor ng arena-record na 55 puntos noong Huwebes, ay nag-ambag ng 21.

Inasinta naman ni DeMarcus Cousins, pinangalanan bilang Western Conference All-Star team kahapon, ang 21 puntos at 13 rebounds, ngunit ‘di ito naging sapat upang iiwas ang Sacramento sa kanilang ikawalong sunod na pagkatalo.

‘’I think a lot of guys are lost right now,’’ ayon kay Cousins. ‘’We need to find our roles. With the whole pace thing, things are kind of wacko.’’

Kinuha ng Cleveland ang kalamangan sa kalagitnaan ng unang quarter at patuloy na ikinasa ang bentahe, na nanatiling double figures sa halos kabuuan ng laro.

Isinagawa ni James ang kanyang presensiya nang agawin nito ang ipinasang bola makaraang pagwagian ng Kings ang opening tip at nagsalansan ng two-handed dunk.

Naimintis ni James ang walong mga laro sanhi ng knee at back injuries sa kaagahan ng buwan na ito. Taglay ng Cleveland ang 8-1 simula ng maglaro ito may dalawang lingo na ang nakalipas.

Hindi siya nakapaglaro sa naging panalo ng Kings sa Cavaliers, 103-84, sa Sacramento noong Enero 11. Simula noon ay ‘di na nagwagi ang Kings kung saan ay taglay nila sa ngayon ang pinakamahabang losing streak sa NBA, habang ang Cavaliers naman ay isa sa pinakamainit na koponan sa liga.

Nagwagi ang Cleveland ng walong sunod na laro simula pa noong Nov. 24-Dec. 9. Ang nine-game streak ang kanila naming pinakamahaba matapos ang magkakasunod na 13 noong 2010.