NAGPAPASALAMAT si JM de Guzman sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng ABS-CBN management para makabalik sa trabaho pagkatapos ng kanyang pinagdaanan, ang malulong sa ipinagbabawal na gamot.
Sa tulong ng pagpapa-rehab sa aktor, nanumbalik ang kanyang sigla sa buhay at sa pag-arte. Katunayan, kasama si JM sa cast ng That Thing Called Tadhana, na pinuri ng mga kritiko nang ipalabas last year sa Cinemalaya Originals filmfest at ngayong February 4 ay mapapanood na sa mainstream theaters sa buong bansa.
“Maraming salamat po kung ganu’n ang napapansin n’yo,” nakangiting pahayag ni JM. “Inaayos ko naman po talaga lahat para bumalik ang tiwala nila sa akin.”
Aminado si JM na maging ang co-star niya sa naturang pelikula na si Angelica Panganiban ay dudang bumalik na siya sa dati bilang isa sa pinakamagagaling na aktor.
“‘Yun nga po. Akala ko nga hindi na matutuloy. Nag-pray talaga ako na huwag akong mapalitan sa movie...” rebelasyon niya. “Nu’ng mga unang araw ng shooting, hindi po maalis ’yung kaba, eh. Siyempre, nandu’n ‘yung na-starstruck ako (kay Angelica) and may konting intimidation.
“Na-intimidate ako at first, pero hindi naman niya ‘pinaramdam sa akin, so gumaan ‘yung pakiramdam ko nu’ng nakatrabaho ko na siya.”
Tungkol sa pagiging broken-hearted at kung paano maka-move-on ang istorya ng That Thing Called Tadhana, kaya hindi siya nakaiwas sa tanong kung ganito rin ba ang pinagdaanan niya sa kanyang ex-girlfriend na si Jessy Mendiola.
“‘Yung good memories na akala mo sobrang good, ‘pag na-heartbroken ka, naaalala mo ‘yun. ‘Yon ‘yung pinakamasakit na memories, so ang ginawa ko, nag-create ako ng mga panibagong good memories na makakasapaw du’n sa mga sad memories na nagda-drag lang sa akin,” sagot ni JM.
Loveless siya simula nang matapos ang relasyon nila, bagamat nagkakausap pa rin sila.
“Actually, magkaibigan kami ngayon. Madalas kami mag-usap. Madalas din kami tumambay with friends,” aniya.
Paano kung mag-bloom into more than friends uli ang kanilang friendship ngayon?
“Hindi ko alam. Siguro puwede, puwedeng hindi. ‘Yang ganyang bagay, wala po ‘yan sa priority ko ngayon,” may paninindigang wika ni JM.